Wednesday, September 24, 2014

Miliminas: Taong 0069 ni Nilo Par Pamonag salin ni Ruby V. Gamboa-Alcantara mula sa "Miliminas: Tuig 0069"

     Miliminas, ito ang pangkat ng mga pulo na matatagpuan sa kalagitanaan ng Dagat Pasipiko bago pa nagkaroon ng malaking pagbaha. Ang pangkat na ito ng pulo ay binubuo ng higit sa 7,200 mga pulo.

      Ang Miliminas, ito ang tawag sa mga mamamayan ng nasabing kapuluan, ay katulad din natin ang mga balat at hitsura. Ang kanilang pananalita ay katulad rin sa atin. Ngunit dahilan sa nahuhuli sila sa sibilisasyon may mga pag-uugali sila at pagsasalita na kaiba rin sa atin.

      Mik ang tawag sa kanilang pera. At tawag nila sa isang taong mayroong isang milyong mik, o higit pa ay mikinaryo. Sa pagbibihis malaki ang pagkakaiba natin sa kanila . Ang kanilang tawag sa pormal na damit para sa mga babae ay ang katumbas sa atin ngayon na bathing suit at kamiseta at korto para sa lalaki.

      Para mapangalagaan ang kanilang moralidad sa pagbibihis, may batas silang ipinatutupad na hulihin ang sinumang magdaramit ng mahaba pa sa sa mini-skirt at micro-skirt.

     Ang upuan sa kanilang mga sasakyan ay nilalagyan ng kiluhan upang masukat ang timbang ng mga pasahero dahil ito ang pagbabatayan ng kanilang pamasahe. Ito ang tinatawag ng kanilang Public "DiserviceCommission" na equality before the kilo.

      Tungkol naman sa pamamalakad ng trapiko ay may ordinansa sila na nagpaparusa sa mabagal magpatakbo. Ang kasalanan ng mabagal magpatakbo ay tinatawag na not overspeeding.

      Maayroon din silang serbisyo sa tubig na tinatawag naNawasdak. Ang ahensyang ito ay may 3 uri ng tubo. Ang una ay nilalabasan ng Malinis na tubig; ang ikalawa ay nilalabasan ng Maruming tubing; at ang ikatlo, walang tubing kundi Hangin lamang. Nakapagtataka? Ito ang pag-uuri ng Quatwasdak; Ang gripo na may malinis na tubig ay mahal ang bayad at para sa mayaman lamang; ang may maruming tubig, para sa lahat ng marunong magtrabaho o kung mayaman naman, gustong magtrabaho; at ang pangatlo, para sa mga mahirap at ito ay walang bayad.

      Mayroon ding nagmomonopolyo ng kuryente. Ito ang Patay Electric Company. Tatlo rin ang uri ng serbisyo nito sa publiko. Ito ang Light ServiceBrownout Service at Blackout Service. AngLight service ay nagbibigay ng ilaw sa araw at gabi. Ang Brownout service ay nagbibigay ng ilaw kung hindi mo kailangan at mawawala kung kailangan mo ang ilaw sa pagkain ng hapunan at pagbabasa kung gabi. Kung gusto mo lang ng pangdekorasyon, ang dapat mong ipakabit ay iyong Blackout service.

     Ang mga sidewalk sa kanilang lungsod ay higit na malalapad kaysa sa atin. Bakit nga ba? Ang dahilan ay sapagkat ang mgabazaar ang umuukupa ng mga sidewalk at ang mga nagtitinda ng sigarilyo at kung anu-ano ang siyang umuukupa ng mga kwartu-kwarto na kung sa atin ngayon ay mga bazaar. At sabihin pa, ang mga may-ari ng mga bazaar ang hinuhuli ng mga pulis sa kanilang pagtitinda sa mga sidewalk.

      Ang mga opisyal sa bansa na tumaba habang sila ay nasa serbisyo ay pinapatawan ng sala o akusasyon sa kanilang mga resolution, genuine na mga batas , at iba pa.

      Upang mapagkatiwalaan ang mataas na opisyal ng bansa, itinatag ang anti-genuine commission para sa paghuli ng mga nagpaparami ng pag-aari o tumatanggap ng mga lagay na genuine, tulad ng genuine na resolutionsgenuine na pera, genuine na batas, at iba pa.

      Ang pinakamalaking tindahan ay tinatawag na Super Blackmarket. May pintura itong itim. Dito ipinagbibili ang mga bagay na ngayon ay ipinagbabawal tulag ng busil na sigarilyo, apyan, mga bagay na ninakaw, at mga ipinagbibiling pekeng bagay. Ang mga genuine na bagay ay ipinagbibili ng patago at tigkakaunti lamang dahil laging hinuhuli ng mga alagad ng katiwalian ang nagbebenta ng mga ito at kinukumpiska pa ang kanilang mga paninda. Katiwalian ang tawag nila sa kanilang batas, at ang nagpapatupad nito ay tinatawag nilang alagad ng katiwalian.

      Ang mga baril ng mga alagad ng katiwalian ay paltik. Dahil sa ang nag-aari
ng lisensyadong baril ay hinuhuli at pinapatawan ng salang illegal possession of genuine firearm.

      Sa panahong ito ay uso rin ang kickback na kaunti lang ang ikinaiba sa ating tinatawag na kickback ngayon. Ang mga buwaya ng bansa (ito ang tawag sa mga mataas na opisyal sa pamahalaan) ay sinisipa sa likod para sa bawat gatas o milk na tanggaping suhol sa kanyang mga transaksyon. Ang mga buwaya ng bansa ay tumitigil sa pagpapasipa kapag makapal na ang kanilang likod dahil ito ang magiging isang batayan sa pagpili ng isang "Outstanding Buwaya of the Year".

      Dalawang klase ng batas ang ipinalabas ng kanilang batasan na tinatawag na "Circus of Miliminas". Ang isang batas ay para sa mayaman at ang isa ay para sa mahirap.

      Ang mga alagad ng bansa ay maliit lang ang sweldo pero malaki naman ang kanilang maaaring gastusing representasyon.

      Ang mga mamamayan ng Miliminas ay masyadong relihiyoso. Tatlo ang paborito nilang santo- ang mik (ang pera mismo), angbuwaya, at si Santasa, isang taong may sungay at buntot katulad ng tinatawag natin ngayong satanas. Ang pinakamalaking kasalanang magagawa ay ang hindi pagpatay, hindi pagtataksil sa asawa at hindi pag-angkin sa yaman ng iba, pagkaawa sa mga mahirap at hindi pagbibigay ng anumang hingin sa kanila ng mga buwaya ng bansa.

      Ang mga malaking transakyon ng pamahalaan ay pinagkakasunduan sa ilalim ng puno, at tinatawag nila itong shady transactions. Ang iba naman ay binubuo sa ilalim ng mesa ng mga opisyal ng pamahalaan. Dahil dito, ang mga mesa ay mataas para hindi mauntog ang ulo ng mga opisyal kapag sumusuot sila sa ilalim nito.

     Ang mga hues de pas natin ngayon ay tinatawag nila na hues de paupas. Parang nakakatawa, ano? Pero iyan ang katotohanan. At isa pang nakapagtataka, ang ginugwardyahan ay ang mga walang kasalanan. Bakit ganoon ang pamamalakad ng hustisya rito? Iyan ang batas. At ang balak ay mapili ng hues de paupas kung sinu-sino sa mga mamamayan ang palaaway at eskandaloso at sino ang mababait. Pagkatapos ng bista at bumaba na ang hatol, ibinibilanggo ang mga walang sala upang ihiwalay sa maraming mga nakakalayang masasamang tao. Sabihin pa, malalaki ang bilangguan dito at kumpleto sa mga kasangkapan kaysa sa labas. Ang lahat ng bilanggo ay tinatawag na VIP (Very Important Prisoner).

      Kung tungkol sa sistema ng pagpili ng mga opisyal, ibang-iba sa atin. Simula pa lang ng kampanya, magkaharap na sa entablado ang magkakalaban sa pulitika. Nagbabatuhan ng utik. Sa atin ngayon ang mudslinging ay pasaring lamang sa mga talumpati samantalang sa kanila ay talagang ginagawa. Ang bawat kandidato ay dapat magsinungaling, magmura, mambato ng putik sa kalaban, mangako ng mga hindi matutupad, dahil kung hindi nya ito gagawin ay pawawalan ng bisa ang kanyang kandidatura ng komisyon ng kalokohan, ang ahensyang namamahala sa eleksyon. Sa araw ay namimili rin ang tao ng iboboto kahit na ang isinusulat sa balota ay hindi na nila pinag-iisipan. Ang inisip nila ay ang naipon na bala ng mga kandidato, at mga napatay ng kanilang mga kampon, at ang may pinakamaraming pera. Ang kanilang ibinoto ay tinatawag na ibinoto sa bala at hindi ibinoto sa balota.

      Ang mga pulitiko at ang kanilang mga kampon ay hindi natatakot mapatay at pumatay sa panahon ng kampanya at eleksyon dahilan sa kanilang paniniwalang ito ang magdadala sa kanilang kaluluwa sa impyerno kung saan mabubuhay sila nang maligaya kasama si Santasa, ang kanilang paboritong santo.

      Ang Eleksyon ay tuwing ikalawang taon. Kung gayon ay masasabi natin na madaling maubos ang mga mamamayan dito kung madali ang patayan sa panahon ng eleksyon. Subalit nababawi rin ito ng imbensyon ng isang bantog na baliw(ito ang tawag nila sa kanilang henyo) na nakabuo ng isang tabletang kung iinumin ng mag-asawa ay magkakaanak ang babae ng isang instant baby, na ipinagbubuntis sa loob lamang ng dalwampu't apat na oras.

      Napakadali ng pagpapalit-palit ng kapangyarihan sa MIliminas. Patuloy pa rin ang pag-iral ng mga bayang kontento na sa klase ngpamamalakad dito na sa panahon ngayun ay masasabing kabaligtaran ng mga pangyayari. Ipinagmamalaki pa ng matatas ang katungkulan sa pamahalaan ang pagsasamantala sa kabuhayan ng mga mamamayan. Ang bagong Milimino, ang mga bayaning gumagala sa kapuluan, sila ang magigiting na tumanggap ng mga papuri na maririnig mo sa bibig ng nakaraang administrasyon. At sinu ang kanilang pinagtutungkulan? Ang pinagtutungkulan nila ng papuri ay mga ismagler, mga namomorsyento, mga kickback artist, mga mayamang nag aapi sa mga mahirap, mga nang-aagaw ng lupa ng may lupa, mga alagad ng katiwalian na nang-aabuso sa mga mamamayan, mga hues de paupas at mga pislak(piskal) na hindi tumitingin sa kisalp ng espada ng katarungan at timbangan ng katotohanan kundi tumitingin sa kalansing ng pilak at timbangan ng malalakas at maykapangyarihan, mga walang ginagawa sa bayan kundi aksayahin ang kaban ng bansa na sa halip na gamitin ang kanilang katungkulan sa pagsisilbi sa publiko ay ginagamit pa ito sa pangangamkam ng yaman.

      Ang ilan sa mga alagad ng bayan na sa ngayon na masasabi nating gumagawa ng mabuti ay nagtatago, nahihiya dahil pinagtatawanan sila ng kanilang mga kasamahan. Hindi lang iyan, kinukutya pa sila, at kung mahuli ng kanilang hepe ay kinagagalitan pa at inaalis sa trabaho.

      May ilang kabataang malawak ang pagiisip na tumawag ng isang pulong kung saan ipinaliwanag nila ang kaibahan ng pamamahala na kanilang isinasagawa. Ang kanilang prinsipyo ay humingi ng isang klase ng pag-uugnayan ng mga namamahala at pinamamahalaan. Noong simula ay tinatawanan lamang sila ng mga pinuno. Ngunit ng lumaon ay madame na ang dumadalo sa kanilang pulong, bukod pa sa mga mahirap. Ipinagbawal ng pamahalaan ang pagdaraos ng pulong ng grupong ito ng mga kabataan na tinatawag nilang dungis ng lipunan.

      Ang simpatya ng mga mahirap ay nakuha ng mga kabataan. At ang pagbabawala sa kalayaan ng mga ito, at nang lumaon ay pagpatay ng ilan sa kanila, ang naging dahilan ng pagkagalit ng mga mayaman at ng may katungkulan. Sumiklab ang isang rebulusyong lumaganap sa buong kapuluan ng Miliminas.

     Bilang parusa sa kanilang dyos na si Santasa, dumating ang isang malaking baha, nagkaroon ng malakas na paglindol hanggang sa pumutok ang isang malaking bulkan sa kailaliman ng dagat sa gitna ng kapuluan na siyang naging dahilan ng paglalaho ng Miliminas sa sanlibutan.



Tahanan ng Isang Sugarol salin ni Rustica Carpio

Ang maputing ulap sa maaliwalas na langit ay matingkad na nakukulayan, parang bahaghari. Mabilis na papunta sa kanluran ang lumulubog na araw.
Dahil tapos nang magalaba, mabagal na tumayo si Lian-chiao sa tabi ng balon. Sandali siyang napapikit nang maramdamang tila may mga bituing lumilipad sa harap niya, gustong mawala ang mga bituing nakahihilo. Si Siao-lan, ang anak niyang babae na tatlong taong gulang ay hubad na nakaupo sa tabi ng palanggana at naglalaro ng tubig.
“Inay, tapos na po ba kayong maglaba? Ako na ang magsasampay.” Si Ah Yue iyon na mas matanda kay Siao-lan ng mga tatlo o apat na taon. Nagdidilig siya ng mga gulay na Chai-sim sa kabilang gilid. Nang makitang tapos nang maglaba ang ina, mabilis siyang tumakbo para kunin ang mga labada at isampay sa alambreng nakatali sa dalawang poste sa loob ng kubong walang dingding.
Hindi sinagot ni Lian-chiao si Ah Yue. Tumango lamang siya, nakatayo pa rin at nakapikit—nagpipilit na mabawi ang lakas. Payat siya at maliit, mga biente-singko anyos, at nakasuot ng kupas na asul na sam-fu. Medyo nakangiwi ang kanyang mga labi. May pangit at nangingitim na bukol sa kanyang noo. Halatang napalo siya ng isang matigas na bagay kamakailan lamang. Malaki ang kanyang tiyan. Madaling mapansing nagdadalantao siya at malapit nang manganak.
Nang dumilat si Lian-chiao, nakatayo na si Ah Yue sa isang bangkito at isa-isang isinampay ang mga damit sa alambre. Dahil mataas ang alambre, kailangang tumingkayad siya at tumingala. Habang minamasdan ang maliit na katawan niyon at ang alanganing paraan ng pagsasmpay ng mga damit sa alambre, biglang nahabag si Lian-chiao. Mahina niyang sinabi, “Ah Yue, mag-ingat ka. Baka ka mahulog!”
“Opo!”, sagot ni Ah Yue. Bigla iyong pumihit, nangangambang tumingin at nagtanong, “Inay, luto nab a ang hapunan? Kung hindi, kagagalitan at bubugbugin na naman tayo ni itay!”
Nakapukaw kay Lian-chiao ang huling sinabi niyon. Bigla siyang kinabahan. Kahit mayroon pang kaning lamig na natira sa pananghalian, lulutuin pa ang mga gulay. Kapag walang nakain, pag-uwi ang asawa niyang sugarol, tiyak na may mangyayari. Hindi sinasadya’y nahipo niya ang namamagang bahagi ng noo. Tuamahip ang kanyang puso. Nagmamadali siyang naligo sa tabi ng balon at pagkatapos ay tinulungansi Siao-lan sa paglilinis ng katawan nito. Pinuno niya ang dalawang bald eng tubig at kinarga ang mga ito sa pingga pauwi.
Ang nakahilis na sinag ng lumulubog na araw ay tumama sa kanyang katawan, sa malaki at bilog na tiyan, sa dalawang umuugang balde ng tubig sa pingga, sa umiika niyang paa, at sa hubad na si Siao-lan na naglalakad sa kanyang likuran, palinga-linga.
Pagod na si Lian-chiao sa walang tigil na pagtatrabaho, ngunit hindi siya puwedeng magbagal ng kilos. Mabilis niyang sinindihan ang apoy sa pugon, hiniwa ang mga gulay, pinakulo ang tubig, nilinis ang mga kawali at iba pang kasangkapan sa kusina.
Ang pugon ay yari sa luwad at may mga gatla na sa iba’t ibang bahagi. Sa tabi ng pugon ay may maliit na lalagyan ng panggatong. Wala na iyong laman. Kinakailangang isantabi muna ni Lian-chiao ang sipit ng kalan para manguha ng panggatong. Tumulong si Siao-lan at may dalang isa o dalawang piraso tuwing papasok, ikinakalat sa lahat ng lugar.
Abala sa gawain si Lian-chiao.Tinanglawan ng liwanag na namumula sa apoy ang mga guhit ng pagod at puyat sa kanyang mukha. Walang makasisisi sa kanya. Mula alas-sais ng umaga, nang bumangon siya para maghanda ng almusal, hindi na siya natigil sa paggawa hanggang ngayon maliban sa sandaling pahinga noong tanghalian. Noong umaga’y nanguha siya ng mga punla ng palay at itinanim sa bukid, at noong hapon ay nagsibak siya ng kahoy na panggatong at namitas ngta-feng-ho isang damong panggamot nagagamitin niyang pampaligo pagkapanganak. Malapit nang isilang ang sanggol at hindi maaaring hindi siya handa. Kung hindi niya ihahanda agad ang mga kailanga, anong mangyayari sa bahay kung bigla na lang siya ipasok sa ospital? Walang alam ang sugarol niyang asawa kundi humilata sa kama sa kuta ng opyo at magmadyong araw-araw sa Hsiang Chi Coffee Shop. Kung hindi niya aasikasuhin  ang mga bagay-bagay ngayon, sino ang tutulong sa kanya? Bukod sa gawain sa bahay, kailangan niyang lagyan ng pataba ang mga gulay at pipino na nakatanim sa gilid ng kanyang bahay, at bunutin ang ligaw na damo. Kung hindi ay bubugbugin siya ng kangyang asawa kapag nagging masama ang ani. Masakit pa nga ang kanyang noo dahil sa suntok nito dalawang araw na ang nakararaan dahil nagkamali siyang sagutin iyon.
“Sssst…” Inilagay niya sa kawali ang mga dahon ng kamote. Ang buong bahay ay napuno ng bango ng nilulutong gulay.
Nakaupo si Siao-lan  sa loobg ng bahay, dinidilaan ang mga labi at tinitignan ang nakatatandang kapatid na nakatyao pa rin sa kuwadradong bangko sa labas.
Di kaginsa-ginsa’y isang tinig na tila tunog ng basag na kampana na nagbuhat sa labas ng pinto. “Ah Yue! Hindi ka ba natatakot mahulog diyan? Ang taas ng naaakyat mo, ha? Gusto mo nab a dalawin ang hari ng kadiliman?”
“Itay… Nagsasampay lang ako…”, kiming sagot ni Ah Yue.
Halos kasimbilis ng kidlat, isang parang-kawayang lalaki ang pumasok sa bahay at sandaling tumayo, galit. “Lintik! Gabi na’y hindi pa luto ang hapunan. Umalis ka ba para hanapin ang kalaguyo mo?”
“Sandali na lang…maluluto na… Ipiprito ko na lang ang inasinang isda. Pagkatapos…pagkatapos ay puwede na tayong… maghapunan.” Walang lakas ng loob si Lian-chiao na tumingala man lamang. Inilagay niya sa isang plato ang pinipritong talbos ng kamote at naglagay pa ng ilang patak ng langis sa kawali. Bahagyang nanginginig ang kanyang mga kamay habang hinuhugasan ang inasinang isda. Hindi siya naglakas-loob na tumutol sa ingay ng kanyang asawa.
Si Li Hua, ang asawa ni Lian-chiao, ay larawan ng isang tunay na manghihithit ng opyo:payat at matangkad, may maiitim na ngipin at namumulang mga mata. Matapos nakapamaywang na sinigawan ang bawat isa, nagsimula siyang maghubad, at marahas na nagtanong, “Handan a ba ang tubig na pampaligo?”
“Ihahanda ko na ang tubig,ihahanda ko na…”
Mabilis niyang itinabi ang siyansi, ibinuhos ang isang kaldero ng kumukulong tubig sa isang balde na kauuwi lamang niya. Pagkatapos ay binuhat iyon nang dalawang kamay sa luma at sira-sirang banyo. Yukung-yuko siya dahil sa bigat ng tubig. Umaalog ang malaki niyang tiyan, at nakangiwi ang maputlang mukha, nagpapakita ng hirap at marahil ay kawang-pag-sa.
Sumagitsit sa kawali ang inasinang isda dahil sa init ng mantika.
“Masusunog na ang inasinang isda. Hindi mo ba naaamoy? Napakabagal mong kumilos. Wala kanga lam kundi kumain!” Walang tigil sa pagmumura sa asawa si Li Hua habang ang babae’y papunta sa banyo.
Nagtago sa isang sulok ng bahay ang dalawang bata, nanginginig sa takot. Hindi sila nagkalakas-loob na magsalita. Kabisado na nila ang nangyayari, baka natalo na naman sa sugal si Li Hua.
Pagkatapos kumain at habang pinupunasan ang nagmamantikang nguso, kinuha ni Li Hua ang lalagyan ng tsa. Humigop siya ng kaunting tsa at pagkatapos ay, “Pwe!”, lumura sa lupa. Niligis ng kanan niyang paa ang malapot na laway sa sahig.
Inaakalang aalis na naman ang lalaki, mabilis na ibinaba ni Lian-chiao, na kumakain pa, ang mangkok at chopsticks, at nagkakandautal  na, “Ama ni Ah Yue, aalis ka na naman? Ako’y…”
“Ano? Hindi ako aalis!” Napakalakas ng boses ni Li hua. “Natalo ako ng biente dolyar ngayong hapon sa Hsiang Chi Coffee Shop. Bakit hindi ako babalik para makabawi ang natalo sa akin? Pag hindi ako nanalo ngayong gabi hindi ko na tatawagin ang sarili kong eksperto sa madyong!”
“Puwede bigyan mo ako ng ilang dolyar? Nag-order ako ng dalawampung itlog kay Ying… Malapit na akong manganak. Kailangang bumili ako ng ilang itlog para lutuin sa luya at alak.” Minasdan ni Lian-chiao ang malaki niyang tiyan. Masyadong mahina at mababa ang kanyang boses.
Nang marinig na kailangan niya ng pera, biglang nagtaas ng kilay si Li Hua. Lalong pumula ang mga mata niyang dati nang namumula. Ibinuka niya ang bibig, ipinakikita ang dalawang hanay ng bungi-bungi at maiitim na ngipin. “Hindi! Hindi! Sinong may sabi sa iyong bumili ka ng masarap ba pagkain kung wala kang pera? Kung kaya mong mag-order, bakit hindi mo kayang magbayad?”
Lumura na naman sa sahig ang lalaki at dinilaan and nguso. Humakbang ang mahahaba niyang binti at lumabas ang tila-kawayan niyang katawan.
Nakatayo sa gitna ng bahay si Lian-chiao, nakabuka ang medyo laylay na bibig, natitigilan at hindi makakilos.
Mahangin at maginaw nang gabing iyon. Habang nakahigang walang tinag sa matigas na higaang kahoy, hindi makatulog si Lian-chiao. Naglalakbay ang kanyang isip. Kahit pago na pagod siya at mabigat na ang mga mata pagkatapos ng maghapong pagtatrabaho, gising na gising pa rin ang kanyang isip.
Ang mga lumipas na pangyayari ay parang ulap sa bundok na mabagal na pumapailanglang sa lambak, naaanod, naaanod—kasinggaan ng usok. Sa lahat ng mga taong patay na o buhay pa, ang larawan ng kanyang ina ang namumukod na lumalantad. Sa kagustuhang magkaapo kaagad, pinag-asawa nito ang tila bulaklak na anak niya—si Lian- Chiao na kinse anyos pa lamang noon. At ang masama pa, sa kasabikang magkaroon ng mainam na buhay pagtanda niya, at laban sa payo ng mga kamag-anak at kaibigan nila, pinili niya para maging manugang si Li Hua, na anak ng noo’y isang mayamang negosyante. Lahat ng kanyang pag-asa ay nabigo. Isang taon pagkaraang makasal si Lian-chiao at lumipat ng bahay, ang ina’y namatay sa kanser sa dibdib. Paano niya malalaman na dahil sa ipinagkasundong kasal, mawawala sa kanyang anak ang katahimikan at kaligayahan sa buong buhay nito?
Nagbuntung-hininga nang malalim si Lian-chiao. Nanlabo ang kanyang mga mata dahil sa luhang napigil ang pagpatak. Ngayon, ang taong lumilitaw sa isip niya ay ang kanyang asawa, ang walang silbi at tila kawayang siLi Hua. Winaldas niyang lahat ang manang iniwan ng ama niya. Marami siyang bisyo: pagsusugal, paglalasing, paghithit ng opyo, pagpunta sa bahay-aliwan…eksperto siya sa lahat ng ito. Ang pinakamalakas na dagok kay Lian-chiao ay ang pagkamapamahiin ni Li Hua. Naniniwala ito sa manghuhulang nagsabi na pulos babae ang isisilang ni Lian-chiao at hindi ito kailanman maghahatid sa kanya ng yaman o suwerte. Sa madaling sabi, si Lian-chiao ang pinanggagalingan ng kasawiang-palad. Dahil dito, napakasama ng pakikitungo niya kay Lian-chiao.
Walang magawa si Lian-chiao kundi tahimik na pagtiisan ang hindi makatwiran at kung minsan ay malupit na pakikitungo nito sa kanya. Kung nagkaroon siya ng lakas ng loob na magmaktol at mangatwiran, mandidilat agad iyon, at luluraan sa mukha mismo, humihiyaw, “Ikaw ang sumpa ng pamilya! Sinong may sabi sa iyong magpakasal ka sa akin? Luka-luka! Kung gusto mong lumayaw, puwede ka nang lumayaw ngayon din. Alis! Alis! Sinong pumipigil sa iyo?...”
Tumulo sa pisngi ang luha ni Lian-chiao. Dahan dahan siyang bumaling.
Nasipa na nina Ah Yue at Siao-lan ang kumot. Mahimbing na natutulog ang dalawa, magkayakap. Kinuha ni Lian-chiao ang kumot at itinakip sa kanila. Pumikit siya ngunit hindi pa rin makatulog. Nag-aalala siya. Malapit na siyang manganak. Makukunan kaya siya? Mahirap sabihin. Sa kabila ng kanyang pagbubuntis, kailangan niyang magbuhat ng mabibigat na bagay—kasimbigat ng animnapu o pitumpung katies araw-araw. Mga ilang araw pa lang ang nakararaan ay bumagsak siya habang nagsisibak ng kahoy na panggatong. Sino ang gagarantiyang hindi naapektuhan ang bata sa loob ng kanyang tiyan? Halimbawang malaglag ang bata, at mamatay siya, sino ang humahalinghing, “Ang tiyan ko…masakit…dalhin agad…dalhin ninyo ako sa ospital…”
“Ano? Ngayon na? Mananalo ako sa larong ito. Sandali. Pung! Ang galing! Ang gandang pitsa ito. Ito talaga ang kailangan ko. Ha, ha! Quadruple! Unang apat, pangalawang apt…isang libo dalawang daan at walumpu at dalawang libo limang daan at animnapu!”
Malaki and panalong iyon. Nagsimula siya sa ilang chips lamang ngunit ngayon ay isang bunton na ang nasa harap niya. Tuwang tuwa si Li Hua  at hindi niya mapigil ang kakatawa, maluwang na maluwang ang nangingitim na bibig. Habang sinasamsam at inaayos ang mga chips, ngumiti siya sa taong nakaupo sa harap niya. “Ha, ha, Lumpong Chun! Napakagaling nitong siyamnapung libong galing sa iyo! Napakagaling! Ha, ha…”
“Ai-yo…yo…”
“Hoy lumakad ka na. Manganganak na ang misis mo!, may humimok kay Li Hua.
Walang magawa si Li Hua kundi hilingin sa isang miron na maglaro para sa kanya. Galit na tinignan niya si Lian-chiao at nag-aatubiling tumayo. Pumayag ang maybahay ng towkay na ipaarkila sa kanya and Morris Minor nito sa dalawang dolyar bawat oras, at dodoblehin sa gabi.
Tinulungan ng maybahay si Lian-chiao na makasakay sa kotse. Si Li Hua, na umuungol pa ay nagpunta sa kasilyas sa likod ng kapihan.
Bagamat hindi na gaanong humihilab ang tiyan niya,balisa si Lian-chiao. Bigla siyang nakakita ng ilaw ma mabilis na papalapit sa dako nila. Bahagyang kumislap ang munting ilaw, dahil marahil sa hangin. Habang papalapit iyon ay nakita niya si Ah Yueng pangku-pangko ang nakababatang kapatid. Kapwa sila umiiyak at namumula na ang kanilang mga mata.
“Ah Yue, Ah Yue! Bakit dinala mo rito ang kapatid mo? Sisipunin kayo!” Lumabas sa kotse si Lian-chiao, nilapitan ang maliliit na batang babae, hindi malaman kung ano ang gagawin.
Humagulgol ng iyak si Siao-lan… Kaagad siyang inaliw ni Lian-chiao.
Habang pinapahiran ang luha a ilong, marahang nagssaita si Ah Yue, “Nagising ako sa iyak ni Siao-lan. Hinahanap niya ang nanay. Hindi ko Makita si nanay sa bahay. Naisip kong baka narito kayo, kaya dinala ko siya dito…”
Nang malaman ni Ah Yuen a papunta sa ospital ang kanyang ina, kumbot ng kaunti ang ilong nya at ang bibig niya ay lumaylay sa mga sulok. Luhaan ang mga mata niya.
“Kokak,kokak…”Umiiyak ang mga palaka sa mga pilapil sa gawing kaliwa ng maliit na kalsada. Binasag ng malungkot nilang pagkokak ang katahimikan ng gabi.
Muling bumugso ang hangin. Tuluyan nang namatay ang ilaw sa gasera. Si Lian-chiao at ang lahat ng bagay sa kanyang paligid ay dagling nakulong sa kadiliman. Hindi siya makasulong at hindi din siya makaurong ilang sandal siya tumayo roon, walang tinag at hindi malaman ang gagawin. Parang hinihiwa ng isang matalim na kutsilyo ang tiyan niya. Natutuliro siya at nahihilo. ”Kras.”  Nalaglag ang gasera mula sa nanginginig niyang mga daliri,nagkapira-piraso. Hindi na maisip ni Lian-chiao kung ano ang nangyayari. Sinapo niya ng dalawang kamay ang kanyang ulo, nagpupumilit na manatili siyang nakatayo.
Pagkalipas ng ilang sandali, medyo nanumbalik ang lakas ni Lian-chiao at unti-unting nasanay ang mga mata niya sa dilim. Lumakad siyang muli, mabagal, hindi matatag. Kung ilang beses na halos madapa siya dahil sa madulas na kalsada. Madalas siyang huminto dahil sa sumusumpong na sakit. Tatayo siya, yuyuko ng mababa hanggang ang sakit ay humupa…ngunit ilang sandal lamang.
Narating din sa wakas ni Lian-chiao ang Hsiang Chi Coffee Shop. Napakaliwanag s loob at maingay: ang kalantog ng mga pitsa ng madyong sa mesa, ang maingay na boses ng mga sugarol, umuungol o tumatawa…
Nanghihinang itinaas ni Lian-chiao ang kaliwang kamay at kumatok sa pinto.
Marahil ay buhos na buhos ang mga isip ng tao sa pagsusugal, o baka naman napakahina ng katok niya. Walang lumapit para buksan ang pinto. Hindi na matiis ni Lian-chiao ang sakit, at kumatok uli siya ng buong lakas.
Isang matabang babae ang nagbukas ng pinto. Iyon ang maybahay ng may-ari ng kapihan. Si Lian-chiao na nakasandal ng mabuti sa pinto ay bumagsak sa loob.
Noon una ay nagulat ang matabang babae sa pagpasok niya. Ngunit nang matanto niya kung sino ang babae, maliksi niya itong tinulungan at inakay papasok.
Si Li Hua, na dadampot na lamang ng pitsa ay namangha rin s pagdating ni Lian-chiao. Ngunit nakapagpigil siya at mabagsik na nagtanong, “Anong nangyari? Bakit gabing-gabi na ay narito ka pa? Pung! Teka, teka! Red Center ba ‘yon? Ha! Maganda!” Magaganda ang pitsa niya at medyo ninenerbyos siya, matamang nakatingin sa mesa.
Tinulungan ng maybahay ng towkay si Lian-chiao na maupo sa silyang rattan. Sapo ng dalawang kamay ni Lian-chiao ang kanyang tiyan, “Ah Yue, huwag kang umiyak. Mabait ka di ba? Alagaan mong mabuti and kapatid mo. Uuwi ang nanay pagkaraan ng dalawa o tatlong araw. Pagkahatid sa akin sa ospital, uuwi ang tatay ninyo…” Habang inaaliw si Ah Yue, napaiyak na rin si Lian-chiao. Hindi niyang makayang isipin na aalis siya ng mga ilang araw, iiwan ang dalawang munting bata sa bahay na walang mag-aalaga sa kanila.
Ibinaba ni Ah Yue ang nakababatang kapatid at sa pagitan ng mga hikbi, “Inay, dadalawin ko kayo bukas, kasama ang kapatid ko. Sasabihin ko kay Itay na isama kami roon. May isa pang dolyar sa aking lata ng sigarilyo. Dadalhin ko iyon para magamit mo muna…”
Magiliw na hinawakan ni Lian-chiao ang munting ulo ng anak. Hindi siya makapagsalita dahil sa pag-aalala.
Lumabas si Li Hua. Kinagalitan ang dalawang bata gaya ng dati. Pagkatapos ay pumasok sa kotse, binuhay ang makina at pinatakbo.
Patuloy ang madyong sa Hsiang Chi. Ang gabi ay ginulo ng mga tunog ng pitsa, “Khe-ta… khe-ta…” at paminsan minsan ng malakas na pung!
Malamig na kumislap ang mga bituin sa langit. Malakas ang ihip ng hangin. Isang munting ilaw ang mabagal na kumikilos sa daan. Si   Ah Yue, pangko sa likod ang umiiyak at inaantok na kapatid, mabagal at atubiling naglalakad patungo sa kanilang luma at hungkag na bahay…


PLOP! CLICK! (Dobu Kacchiri)

Mga Tauhan:
KOTO
KIKUICHI
ISANG NAGDARAAN
KOTO : Isa akong Koto na nakatira sa pook na ito. Ngayon tatawagin ko si Kikuichi para konsultahin siya. Nariyan ba si Kikuichi?
KIKUICHI : Nariyan na!
KOTO : Nasaan ka?
KIKUICHI : Heto na ‘ko.
KOTO : May mahalaga akong kailangan sa iyo. Dahil matagal na rin naman akong hindi nakalalabas ng bahay, ang daming oras na nakabitin sa kamay ko. Gusto kong magbiyahe at nang makapagmasid naman ng mga tanawin. Ano sa tingin mo?
KIKUICHI : Sa totoo lang, imumungkahi ko nga sana sa iyo, Ekselenteng ideya.
KOTO : Ano pang hinihintay natin kung ganoon. Maghanda ka ng sake.
KIKUICHI : Ngayon din. Nakahanda na ang bote ng sake.
KOTO : Umalis na tayo agad. Halika na!
KIKUICHI : Nakahanda na ako.
KOTO : Ano sa palagay mo? Nagtatawanan na siguro ang mga taong makita ang dalawang paris natin na namamasyal at nagmamasid sa mga tanawin. Pero ang pagbibiyahe sa bagong lugar ang nakapagpapagaan ng pakiramdam bukod pa sa kasayahang nalalasap mo.
KIKUICHI : Wala naman sa palagay kong mag-iisip na para tayong gago. Kaya, kapag nararamdamang mong gusto mong magbiyahe, dapat lang na ilang ulit tayong magbiyahe. Nakabubuti iyon sa inyo, Amo.
KOTO : Nasa labas na tayo ng nayon. Marahil nasa gitna tayo ng bukirin. Ang lungkot dito.
KIKUICHI : Nasa gitna nga tayo ng bukirin.
KOTO : Kapag nasa kapatagan ako, parang lumalawak ang aking puso at gumagaan ang pakiramdam ko.
KIKUICHI : Gaya ng sabi mo, kasiya-siya ang magbiyahe.
KOTO : Makinig ka! Noon ko pa gustong sabihin sa iyo na hindi sa habambuhay ka na lamang umaawit ng mga maiikling awit o bumibigkas ng mga kuwento. Bakit di mo ensayuhin angLabanan sa Heike, ang pamosong epiko?
KIKUICHI : Gusto ko nga sanang hingin ang tulong mo tungkol diyan. Masuwerte na lang at ikaw mismo ang nagbukas tungkol diyan. Kung maituturo mo sa akin ‘yan, tatanawin kong malaking utang-na-loob.
KOTO : Ituturo ko kung ganoon. Wala rin lang tao sa paligid, bibigkasin ko sa iyo ang isang berso.
KIKUICHI : Sadyang kay buti mo. Sige, makikinig ako.
KOTO : “Umabot sa krisis ang labanan sa Ichi no Tani, at nauwi sa isang malaking giyera. Natalo ang mga dakilang Hieke, at nagsisugod ang mga mandirigma ng Genji—silang sabik sa kabantugan. Parang mga trigong nagbagsakan sa harap ng mga armas-pandigma. Kalunus-lunos na pagdanak ng dug! Walang katapusang kaguluhan! Putol ang baba ng ilan, at ang iba nama’y talampakan. Sa gitna ng nakakukuliling mga daing at pananangis, pilit pinaglalapat ang kanilang mga sugatang talampakan sa duguang baba,ang sugatang baba sa duguang talampakan. Ay, kahabag-habag na tanawin! Tatlo o apat na raang mga mandirigma ang nagkalat sa kapatagan!…”
KIKUICHI : Kagila-gilalas palang talaga ang epikong ‘yan. Nagagalak akong marinig.
KOTO : Halika’t pumunta tayo doon sa malayu-layo pa. Sumunod ka sa ‘kin!
KIKUICHI : Sige lang, sumusunod ako.
KOTO : Maraming bumibigkas ng Heike, pero wala akong alam na nakabibigkas ito nang mainam. Kaya kailangang pag-aralan mo itong mabuti.
KIKUICHI : Iinsayuhin kong mabuti, at inaasahan kong tuturuan mo akong muli.
KOTO Sakali’t maitalaga ako sa posisyon ng “Kengyo,” gagawin kitang isang “Koto”.
KIKUICHI : Napakabuti mo ngang talaga.
KOTO : Ano ‘yon? Nakakarinig ako ng alon ng tubig. Siguro’y malapit tayo sa dagat.
KIKUICHI : Oo nga, pakiramdam ko;y dagat nga ‘yon.
KOTO : Kailangan nating tawirin ito. Anong dapat nating gawin?
KIKUICHI : Ano nga bang dapat nating gawin?
NAGDARAAN: (Sa mga manonood) Dito lang ako nakatira. Dahil may lalakarin ako sa kabila ng bundok, kailangan kong magmadali. Ano itong nakikita ko? Dalawang bulag ang nagbabalak lumusong sa dagat. Paano kaya nila magagawa ‘yon? TitigiI muna ako rito at panoorin sila pansumandali.
KOTO : Halika! Maghagis ka ng bato para matantiya natin ang lalim ng dagat.
KIKUICHI : Sige. Ayan, naghagis na ako. PLOP!
KOTO : Malalim doon.
KIKUICHI : Malalim na malalim doon.
KOTO : Subukan mo sa ibang direksiyon.
KIKUICHI : Sige. Ayan, naghagis ulit ako. CLICK!
KOTO : Mababaw doon.
KIKUICHI : Mukha ngang mababaw doon.
KOTO : Kung gayon, lumakad na tayo nang painut-inot. Halika na!
KIKUICHI : Pero amo, teka muna sandali.
KOTO : Bakit?
KIKUICHI : Bubuhatin ko na kayo sa likod ko.
KOTO : Naku, hindi na kailangan. Basta sumunod ka sa akin.
KIKUICHI : Pero kaya nga ako naririto para pagsilbihan kayo. Para na rin sa kabutihan ng aking kaluluwa. Hayaan niyo ng buhatin ko kayo.
KOTO : Hindi, huwag na. Dahil hindi ka rin nakakakita, baka maaksidente pa tayo. Maghawakan na lang tayo sa isa’t isa saka lumakad nang painut-inot.
KIKUICHI : Pero ito ang pagkakataon ko para makatulong sa inyo. Kailangang mabuhat ko kayo sa aking likuran.
KOTO : O sige, sige. Dahil mapilit ka, papayag akong buhatin mo ako. Pero kailangang maghanda na muna tayo. Ihanda mo na rin ang sarili mo.
KIKUICHI : Salamat, nakahanda na ako.
NAGDARAAN: Mautak ang mga bulag na ‘yon. Sinusubukan nila ang lalim ng dagat sa pamamagitan ng paghahagis ng bato. Masuwerte talaga akong aso. Ako ang magpapabuhat patawid sa dagat. (Papatong siya sa likod ni KIKUICHI).
KIKUICHI : Humawak kayong mabuti. Ngayon sisimulan ko nang magpainut-inot sa dagat. Sana naman hindi masyadong malalim. Ayan nakarating na ako sa kabila. Nagawa ko ito nang walang kahirap-hirap, at natutuwa ako’t wala ring disgrasya.
NAGDARAAN: (Sa mga manonood). Hindi ko inaasahan ang suwerteng ito. Tuwang-tuwa ako.
KOTO : Ano Kikuichi? Nakahanda ka na ba? Walang sumasagot? Hindi ko ito maintindihan. Ki-ku-i-chi! Na-sa-an ka?
KIKUICHI : Na-ri-to a-ko!
KOTO : Bakit di mo pa ako buhatin patawid?
KIKUICHI : Pero kabubuhat ko lang sa inyo.
KOTO : Kabubuhat lang sa akin? Pero naghahanda pa lang ako. Hindi mo pa ako nabubuhat. Ang hayop na ‘yon mag-isa palang tumawid.
KIKUICHI : (Magmamadaling tumawid sa pinaggalingan) Kailan kayo tumawid na muli rito Amo?
KOTO : Kailan? Aba’t walanghiya ‘tong taong ito. Umaayaw na yata. Madali ka’t buhatin mo na ako agad.
KIKUICHI : Hindi ko maintindihan ito. Di bale, tatawid na lang uli ako. Kumapit na kayo sa likod ko.
KOTO : Huwag kang magalaw.
KIKUICHI : Lalakad na ako nang painut-inot. Mukhang napakalalim dito.
KOTO : Basta mag-iingat ka at huwag kang masyadong magalaw.
KIKUICHI : Opo, opo. Ang lalim naman nito! Naku, tulungan ninyo ako, saklolo!
NAGDARAAN: Nakakaaliw pagmasdan ang kawawang mga bulag!
KOTO : Nakakapanggalit itong nangyayari sa atin. Basang-basa na ako. Kaya nga ba tumanggi na akong pabuhat sa iyo noong una pa.
KIKUICHI : Ipagpaumanhin ninyo. Patutuyin ko kayo. Talaga namang nag-iingat ako, pero natalisod ako. Patawarin ninyo ako.
KOTO : Nauunawaan kong aksidente ang nangyari, at wala tayong magagawa roon. May nangyari ba sa sake?
KIKUICHI : Anong sabi n’yo? Ah, ang bote ng sake. Heto, hindi nadisgrasya.
KOTO : Giniginaw na ‘ko. Tagayan mo ako.
KIKUICHI : Sige po.
NAGDARAAN: Aba’t may isa pa pala akong suwerte. Akong iinom noon.
KIKUICHI : Nagtatagay na po ako. Glug, glug!
KOTO : Tama na ‘yan. Mawawala rin ang ginaw ko pag nainom ko na ito.
KIKUICHI : Sigurado, Amo.
NAGDARAAN: (Sa mga manonood). Ang sarap nito!
KOTO : Ano na, Kikuichi? Bakit di mo ako tinatagayan?
KIKUICHI : Pero katatagay ko lang po’t binigay ko sa inyo.
KOTO : Iyon din ang akala ko, pero wala ni isang patak ang baso ko.
KIKUICHI : Talagang hindi ko maintindihan ito. Magtatagay uli ako Heto, pupunuin ko na ang baso.
KOTO : Sige, bilisan mo.
KIKUICHI : Eto na. Glug, glug!
NAGDARAAN: (Sa mga manonood). Aba’t may kasunod pa! Walang kasinsarap ang sakeng ito!
KOTO : Tama na ‘yan. Uminom ka rin nang kaunti.
KIKUICHI : Puwede po ba? Salamat sa kabaitan ninyo. Napakasarap ng sake, di po ba?
KOTO : O, bakit hindi mo pa ako tinatagayan?
KIKUICHI : Pero katatagay ko lamang po ng isang punung baso para sa inyo.
KOTO : Akala ko nga, pero ni isang patak, wala pa rin ang baso ko. Kamuhi-muhi kang tarantado ka. Ni isang patak di mo man lang ako pinatikim, kasi sinosolo mo’ng pag-inom.
KIKUICHI : Naku, hindi ganyang magsalita ang amo ko. Bakit ko naman sosolohin ito nang hindi inuuna ang amo ko? Mali ang akusasyon ninyo sa akin. Nakadalawa na po kayong tagay.
KOTO : Aba’t talaga bang ginagalit mo ‘ko? Hindi ka lang gago, dinadaya mo ‘ko at pinalalabas na iniinom ko’ng tinatagay mo nang di mo alam. Tagayan mo ako ulit.
KIKUICHI : Gusto ko po sana. Pero, ipagpaumanhin ninyo! Wala na pong natira.
KOTO : Ano? Ni isang patak wala nang natira?
NAGDARAAN: (Sa mga manonood). Talagang nakakaaliw ito. Pag-aawayin ko sila. Bang! Bangg!
KOTO : Aray,aray ko! Aba’t sobra na ito. Matapos mo akong agawan ng inumin, ngayon naman may gana ka pang bugbugin ako.
KIKUICHI : Ano’ng sabi ninyo? Bugbugin?
KOTO : Sinaktan mo na ako, ulol!
KIKUICHI : Itinatabi ko lang po ang bote ng sake. Ni hindi nakaturo sa direksiyon ninyo ang mga kamay ko.
KOTO : A, hindi pala? At sino pang mananakit sa akin, aber? Sino, sabi?
KIKUICHI : Aray, aray ko po! Inaakusahan n’yo na nga ako ng kung anu-anong hindi ko naman ginagawa, ngayon naman sinasaktan n’yo pa ako. Bakit binubugbog ninyo ang isang walang kasalanang katulad ko?
KOTO : Aba’t ni hindi nga nakatutok sa iyo ang mga kamay ko.
KIKUICHI : Hindi nakatutok? Sinong nanakit sa akin? Magsalita kayo,sino pa?
KOTO : Aray, aray ko! Kikuichi, ano ba? Bakit mo ba ako sinasaktan?
KIKUICHI : Nasa binti ko ang mga kamay ko.
KOTO : Nasa binti mo? Kaninong mga kamay ang sumuntok sa akin?
KIKUICHI : Aray, tama na! Huwag ninyong abusuhin ang inosenteng tulad ko. Amo.
KOTO : Ano? Abusuhin?
KIKUICHI : Ano pa nga bang ginagawa ninyo?
KOTO : Ni hindi nga dumadapo ang mga kamay ko sa iyo.
KIKUICHI : Di dumadapo? Kung gayo’y sinong nanununtok sa akin?
KOTO : Aray, ano ka ba?
KIKUICHI : Aray ko po, tama na!
NAGDARAAN: Nakakatuwa talaga ito. Paiikutin ko sila sa iba’t ibang pakana. Pero, teka! Aba’t tinutuluyan na nilang magsuntukan.Delikado pa ang manatili pa rito. Kailangang makaalis na ako habang may araw pa.
KOTO : Nauubos nang pasensiya ko. Hindi kita patatakasin lintik ka!
KIKUICHI : Bakit ako sinasaktan?
SILANG DALAWA: A-a-ray….
KIKUICHI : Ikinahihiya ko kayo Amo. Hawak ko na kayo ngayon. Nagpapanggap lang pala kayong mabait. Santo-santito!
KOTO : Huwag, sandali lang! Matapos mo akong bugbugin, tatakbuhan mo ako. Wala bang ibang tao rito? Hulihin n’yo siya, hulihin n’yo! Huwag n’yo siyang patatakasin!



Ang Ama salin ni M.R. Avena

Magkahalo lagi ang takot at pananabik kapag hinihintay ng mga bata ang kanilang ama. Ang takot ay sa alaala ng isa lasing na suntok sa bibig na nagpapatulo ng dugo at nagpapamaga ng ilang araw sa labi. Ang pananabik ay sa pagkain na paminsan-minsa’y iniuuwi ng ama – malaking supot ng mainit na pansit na iginisa sa itlog at gulay. Ang totoo, para sa sarili lang niya ang iniuuwing pagkain ng ama, lamang ay napakarami nito upang maubos niya nang mag-isa; pagkatapos ay naroong magkagulo sa tira ang mga bata na kangina pa aali-aligid sa mesa. Kundi sa pakikialam ng ina na mabigyan ng kaniya-kanyang parte ang lahat – kahit ito’y sansubo lang ng masarap na pagkain, sa mga pinakamatanda at malakas na bata lamang mapupunta ang lahat, at ni katiting ay walang maiiwan sa maliliit.
Anim lahat ang mga bata. Ang dalawang pinakamatanda ay isang lalaki, dose anyos, at isang babae, onse; matatapang ang mga ito kahit na payat, at nagagawang sila lang lagi ang maghati sa lahat ng bagay kung wala ang ina upang tiyaking may parte rin ang maliliit. May dalawang lalaki, kambal, na nuwebe anyos, isang maliit na babae, otso anyos, at isang dos anyos na paslit pa, katulad ng iba, ay maingay na naghahangad ng marapat niyang parte sa mga pinag-aagawan.
Natatandaan ng mga bata ang isa o dalawang okasyon na sinorpresa sila ng ama ng kaluwagang-palad nito – sadyang nag-uwi ito para sa kanila ng dalawang supot na puno ng pansit guisado, at masaya nilang pinagsaluhan ang pagkain na hirap nilang ubusin. Kahit na ang ina nila’y masayang nakiupo sa kanila at kumain ng kaunti.
Pero hindi na naulit ang masayang okasyong iyon, at ngayo’y hindi na nag-uuwi ng pagkain ang ama; ang katunaya’y ipinapalagay ng mga batang mapalad sila kung hindi ito umuuwing lasing at nanggugulpi ng kanilang ina. Sa kabila niyo’y umaasa pa rin sila, at kung gising pa sila pag-uwi sa gabi ang ama, naninipat ang mga matang titingnan nila kung may brown na supot na nakabitin sa tale sa mga daliri nito. Kung umuuwi itong pasigaw-sigaw at padabug-dabog, tiyak na walang pagkain, at ang mga bata’y magsisiksikan, takot na anomang ingay na gawa nila ay makainis sa ama at umakit sa malaking kamay nito upang pasuntok na dumapo sa kanilang mukha. Madalas na masapok ang mukha ng kanilang ina; madalas iyong marinig ng mga bata na humihikbi sa mga gabing tulad nito, at kinabukasan ang mga pisngi at mata niyon ay mamamaga, kaya’t mahihiya iyong lumabas upang maglaba sa malalaking bahay na katabi nila. Sa ibang mga gabi, hindi paghikbi ang maririnig ng mga bata mula sa kanilang ina, kundi isang uri ng nagmamakaawa at ninenerbiyos na pagtawa, at malakas na bulalas at pag-ungol mula sa kanilang ama, at sila’y magtatanong kung ano ang ginagawa nito.
Kapag umuuwi ang ama na mas gabi kaysa dati at mas lasing kaysa dati, may pagkakataong ilalayo ng mga bata si Mui Mui. Ang dahila’y si Mui Mui, otso anyos at sakitin at palahalinghing na parang kuting, ay madalas kainisan ng ama. Uhugin, pangiwi-ngiwi, ito ay mahilig magtuklap ng langib sa galis na nagkalat sa kanyang mga binti, na nag-iiwan ng mapula-pulang mga paste, gayong paulit-ulit siyang pinagbabawalan ng ina. Pero ang nakakainis talaga ay ang kanyang halinghing. Mahaba at matinis, iyon ay tumatagal ng ilang oras, habang siya ay nakaupo sa bangko sa isang sulok ng bahay, o namamaluktot ng paghiga sa banig kasama ang ibang mga bata, na di-makatulog. Walang pasensiya sa kanya ang pinakamatandang lalaki at babae, na malakas siyang irereklamo sa ina na pagagalitan naman siya sa pagod na boses; pero sa gabing naroon ang ama, napapaligiran ng bote ng beer na nakaupo sa mesa, iniingatan nilang mabuti na hindi humalinghing si Mui Mui. Alam nila na ang halinghing niyon ay parang kudkuran na nagpapangilo sa nerbiyos ng ama at ito’y nakakabulahaw na sisigaw, at kung hindi pa iyon himinto, ito’y tatayo, lalapit sa bata at hahampasin iyon nang buong lakas. Pagkatapos ay haharapin nito at papaluin din ang ibang bata na sa tingin nito, sa kabuuan, ay ang sanhi ng kanyang kabuwisitan.
Noong gabing umuwi ang ama na masamang-masama ang timpla dahil nasisante sa kanyang trabaho sa lagarian, si Mui Mui ay nasa gitna ng isang mahabang halinghing at di mapatahan ng dalawang pinakamatandang bata gayong binalaan nilang papaluin ito. Walang anu-ano, ang kamao ng ama ay bumagsak sa nakangusong mukha ng bata na tumalsik sa kabila ng kuwarto, kung saan ito nanatiling walang kagalaw-galaw. Mabilis na naglabasan ng bahay ang ibang mga bata sa inaasahang gulo. Nahimasmasan ng ina ang bata sa pamamagitan ng malamig na tubig.
Pero pagkaraan ng dalawang araw, si Mui Mui ay namatay, at ang ina lamang ang umiyak habang ang bangkay ay inihahandang ilibing sa sementeryo ng nayon may isang kilometro ang layo, doon sa tabi ng gulod. Ilan sa taga-nayon na nakakatanda sa sakiting bata ay dumating upang makiramay. Sa ama na buong araw na nakaupong nagmumukmok ay doble ang kanilang pakikiramay, dahil alam nilang nawalan ito ng trabaho. Nangolekta ng abuloy ang isang babae at pilit niya itong inilagay sa mga palad ng ama na di-kawasa, puno ng awa sa sarili, ay nagsimulang humagulgol. Ang balita tungkol sa malungkot niyang kinahinatnan ay madaling nakarating sa kanyang amo, isang matigas ang loob pero mabait na tao, na noon di’y nagdesisyong kunin siya uli, para sa kapakanan ng kanyang asawa at mga anak. Dala ng kagandahang-loob, ito ay nagbigay ng sariling pakikiramay, kalakip ang munting abuloy (na minabuti nitong iabot sa asawa ng lalaki imbes na sa lalaki mismo). Nang makita niya ang dati niyang amo at marinig ang magaganda nitong sinabi bilang pakikiramay sa pagkamatay ng kanyang anak, ang lalaki ay napaiyak at kinailangang muling libangin.
Ngayo’y naging napakalawak ang kanyang awa sa sarili bilang isang malupit na inulilang ama na ipinaglalamay ang wala-sa-panahong pagkamatay ng kanyang dugo at laman. Mula sa kanyang awa sa sarili ay bumulwak ang wagas na pagmamahal sa patay na bata, kaya’t madalamhati siyang nagtatawag, “Kaawa-awa kong Mui Mui! Kaawa-awa kong anak!” Nakita niya ito sa kanyang libingan sa tabi ng gulod – payat, maputla at napakaliit – at ang mga alon ng lungkot at awa na nagpayanig sa matipuno niyang mga balikat at brasong kayumanggi ay nakakatakot tingnan. Pinilit siyang aluin ng mga kapit-bahay, na ang iba’y lumayo na may luha sa mga mata at bubulong-bulong, “Maaaring lasenggo nga siya at iresponsable, pero tunay na mahal niya ang bata”.
Tinuyo ng nagdadalamhating ama ang kanyang mga luha at saka tumayo. Mayroong siyang naisip. Mula ngayon, magiging mabuti na siyang ama. Dinukot niya sa bulsa ang perang ibinigay ng kanyang amo sa asawa (na kiming iniabot naman nito agad sa kanya, tulad ng nararapat). Binilang niya ang papel-de-bangko. Isa man dito ay hindi niya gagastahin sa alak. Hindi na kailanman. Matibay ang pasiya na lumabas siya ng bahay. Pinagmasdan siya ng mga bata. Saan kaya ito pupunta, tanong nila. Sinundan nila ito ng tingin. Papunta ito sa bayan. Nalungkot sila, dahil tiyak nila na uuwi itong dalang muli ang mga bote ng beer.
Pagkalipas ng isang oras, bumalik ang ama. May bitbit itong malaking supot na may mas maliit na supot sa loob. Inilapag nito ang dala sa mesa. Hindi makapaniwala ang mga bata sa kanilang nakita, pero iyon ba’y kahon ng mga tsokolate? Tumingin silang mabuti. Mayroong supot ng ubas at isang kahon yata ng biskwit. Nagtalo ang mga bata kung ano nga ang laman niyon. Sabi ng pinakamatandang lalaki’y biskwit; nakakita na siyang maraming kahong tulad niyon sa tindahan ni Ho Chek sa bayan. Ang giit naman ng pinakamatandang babae ay kendi, y’ong katulad ng minsa’y ibinigay sa kanila ni Lau Soh, na nakatira doon sa malaking bahay na pinaglalabhan ng Nanay. Ang kambal ay nagkasya sa pandidilat at pagngisi sa pananabik; masaya na sila ano man ang laman niyon. Kaya’t nagtalo at nanghula ang mga bata, takot na hipuin ang yaman na walang senyas mula sa ama. Inip nilang lumabas ito ng kanyang kuwarto.
Di nagtagal ay lumabas ito, nakapagpalit na ng damit, at dumiretso sa mesa. Hindi dumating ang senyas na nagpapahintulot sa mga batang ilapat ang mga kamay sa pinag-iinteresang yaman. Kinuha nito ang malaking supot at muling lumabas ng bahay. Hindi matiis na mawala sa mata ang yaman na sa wari’y kanila na sana, nagbulungan ang dalawang pinakamatanda nang matiyak na hindi sila maririnig ng ama. “Tingnan natin kung saan siya pupunta”. Nagpumilit na sumama ang kambal, at ang apat ay sumunod nang malayu-layo sa ama. Sa karaniwang pagkakataon, tiyak na makikita sila nito at sisigawang bumalik sa bahay, pero ngayo’y nasa isang bagay lamang ang isip nito at hindi man lang sila napuna.
Dumating ito sa libingan sa tabing-gulod. Kahuhukay pa lamang ang puntod na kanyang hinintuan. Lumuhod ito at dinukot ang mga laman ng supot na dahan-gahang inilapag sa puntod, habang pahikbing nagsalita, “Pinakamamahal kong anak, walang maiaalay sa iyo ang iyong ama kundi ang mga ito. Sana’y tanggapin mo”. Nagpatuloy itong nakipag-usap sa anak, habang nagmamasis sa pinagkukublihang mga halaman ang mga bata. Madilim na ang langit at ang maitim na ulap ay nagbabantang mapunit anomang saglit, pero patuloy sa pagdarasal at pag-iyak ang ama. Naiwan itong nakaluhod kahit bumagsak na ang ulan. Pagkuwa’y umalis ito, naninikit sa katawan ang basang kamisadentro. Sa isang iglap, ang kangina pang inip na inip na mga bata ay dumagsa sa yaman. Sinira ng ulan ang malaking bahagi niyon, pero sa natira sa kanilang nailigtas, nagsalu-salo sila tulad sa isang piging na alam nilang di nila mararanasang muli.




AANHIN NINO ‘YAN? Vilas Manwat Salin ni Luwalhati Bautista

Si Nai phan ay isa sa mga sikat sa kapit-bahayan. Hindi dahil isa siyang mananayaw na ang paa’y singgaan ng saboy ng bituin; hindi rin dahil ginawa niyang bukod-tangi ang sarili sa larangan ng pulitika o panitikan. Marahil, ang kanyang talino sa pagsasangkap sa isang masarap na luto ng sinangag ang kanyang naging tuntungan sa kawalang-hanggan, pero kahit hindi naging katangi-tangi ang nalalaman niya sa pagluluto, magiging tanyag pa rin siya, dahil handa niyang pahintulutan ang kanyang mga parokayano sa walang limitasyong pangungutang.

Mahilig siyang mamigay ng matamis sa mga bata nang hindi naghahanap ng pera. Mangyari pang dahilan ito lagi para magreklamo ang kanyang asawa, pero sasabihin niya: “Ang dalawampung satang na halaga ng matamis ay hindi ipinahihirap ng pamilya.” Pag ang Than Khun, isang mataas na opisyal na naninirahan sa may iskinita, ay gusto ng isang masarap na kape, sasabihin nito sa anak: “Magdala ka rito ng kape mula sa tindahan ni Nai Phan. Marami siyang maglagay ng gatas; iisipin mong nag-aalaga siya ng baka para doon!”
Sa iskinita ding iyon naninirahan ang isang lasenggo na hilig nang lumitaw sa kaninan at tumula ng mga berso mula sa kwento nina Khun Chang at Khun Phaen; makikinig si Nai Phan nang taimtim ang atensyon. Matapos magpalabas, hihingi ang lasenggo ng isang libreng baso ng tsaang may yelo, na malugod namang ipagkakaloob ni Nai Phan, na may kasama pang doughnut para kumpleto.


Pag maulan, sasabihin ni Nai Phan sa mga estudyanteng dalagita: “Mga binibini, nahihirapan na kayo sa pagtatampisaw sa putik. Mula ngayon, pwede nyong bitbitin ang inyong mga sapatos hanggang sa aking tindahan at doon n’yo isuot.” Lagi niyang binibigyan ang mga ito ng malinis na tubig para panghugas ng paa.
Pero eksakatong gabi-gabi, isasara niya ang kanyang tindahan. Sasabihin sa kanya ng mga kaibigan niya, “Dapat kang magbukas at magsilbi sa gabi; dyan maganda ang negosyo, mas madali kang yayaman.”
Masayang tatawa si Nai Phan at sasabihin, “Mas masarap matulog kaysa magpayaman nang mabilis.”
Ang sagot na ito’y may pinupukaw sa puso ng mga nakakarinig na mas mayaman kaysa kay Nai Phan, pero hindi pa rin kuntento sa yaman nila, bagkus ay nagkukumagkag pang magpundar ng mas malaki pang kayamanan.


Ang mga taong naninirahan sa iskinita, pauwi sa kani-kanilang bahay sa kalaliman ng gabi pagkaraan ng maghapong ginugol sa paghahabol ng pera, ay makatatanaw kay Nai Phan na nakahilig sa kanyang maliit na silyang de-tiklop, kuntentong nakikipag-usap sa asawa. At maiisip nila sa kanilang sarili, “Ang saya-saya nilang tingnan, malayo sa paghahangad sa kayamanan. Mas mabuti pa sila sa amin.”


Isang gabi ay nagpunta sa sinehan ang kanyang asawa, at nag-iisia si Nai Phan. Papadilim na at naghahanda na siyang magsara ng tindahan nang mabilis na pumasok ang isang kabataang lalaki.
“Anong maipaglilingkod ko sa inyo sir?” Tanong ni Nai Phan. Sa halip na sumagot, naglabas ng baril ang estranghero at itinapat iyon sa puso niya. Hindi ito maunawaan ni Nai Phan, pero nadaman niya na hindi maganda ang mga pangyayari.


“Iabot mo ang salapi mo,” marahas na sabi ng kabataang lalaki. “Lahat! Kung anuman meron ka. Mukhang patayan ang uso sa mga panahong ito; nagbabarilan ang mga tao sa iba’t ibang dako araw-araw. Pag pinatay kita, wala nang ispesyal doon, at pag napatay mo ako, hindi na rin masyadong nakapagtataka, kaya bilisan mo na. pag hindi ko nakuha ang salapi, patitikimin kita ng mga bala.”


Hindi nanginig si Nai Phan. Kalmante siyang nakatayo at sinabi niya sa tinig na parang nakikipag-usap lang; “Ibibigay ko sa’yo ang pera, pero hindi dahil sa baril mo, ibibigay ko sa’yo dahil mukhang kailangang-kailangan mo iyon. Baka nakasalalay dito’y buhay at kamatayan. Eto. . . lahat ng perang meron ako ay nandito. Kunin mo na at umuwi ka na agad. Sinong nakakaalam? Siguro’y may sakit ang iyong ina; baka nga maraming taong naghihintay doon, iniisip kung mag-uuwi ka ng pera o hindi. Maraming buhay ang maaaring mnakadepende sa pag-uwi mo na may dalang pera. Hindi ko sasabihin sa mga pulis. Mga siyam na raan ang cash dito; higit pa. . .kunin mo na.”


Inilagay niya ang salapi sa mesa pero ang binatang holdaper ay tila hindi nagkalakas-loob na hipuin iyon.
“Bakit hindi mo kunin?” tanong ni Nai Phan. “Tingnan mo, bakit kita lolokohin? Alam kong hirap na hirap ka. Hirap tayong lahat sa mga araw na ito. Hindi ako naniniwalang masama kang tao. Sino ang gustong maging magnanakaw kung maiiwasan niya? Maaari ding nagkaatake ang iyong ama at kailangan mo siyang alagaan. Dalhin mo sa kanya ang perang ito, pero huwag mong ubusin lahat sa gamot. Maniwalak ka sa akin, magagamot ng doktor ang katawan, pero kailangan ng tao ang lunas pati sa kanyang isip at kaluluwa. Bumili ka ng ilang mababangong bulaklak, isang kuwintas ng bulaklak para sa iyong ina na mailalagay niya sa harap ng sagradong imahen sa bahay. Iyon ang ginagawa ko gabi-gabi. Hindi mo kailangang malaman kung ano ang kabanalan o kung saan ito nananahan. Sapat na ang makadama ka ng kapayapaan sa iyong sarili. Iyon ang langit. Ay!—at itabi mo ang iyong baril—giginhawa agad ang pakiramdam mo. Ang isang lalaking may dalang baril ay hindi nakakakilala nbg kapayapaan, ang puso niya’y naghihirap sa takot at pag-aalinlangan, at sa amoy ng panganib. Hindi tayo liligaya habang ang ating mga kamay ay nagsisikip sa mga sandata.”
Inilagay ng kabataang lalaki ang baril sa kanyang bulsa, tulad ng isang masunuring bata. Itinaas niya ang mga kamay sa pagpupugay sa wai kay Nai Phan, na kilala sa kanyang sinangag at kape at pagbubukas-palad.


“Dapat na barilin ko ang aking sarili imbis na barilin ka,” sabi ng kabataang lalaki.


“Huwag kang magsalita na parang baliw,” sabi ng tagapamahala ng tindahan, habang inaabot ang pera sa binata. “Ito na lahat iyon. Dalhin mo at iyo nang lahat. Hindi ito pagbibigay na ginawa sa galit. Alam ko na puno ang mga bilangguan, pero hindi ng mga kriminal. Isa kang lalaking tulad ko, tulad ng ibang lalaki; kahit sinong lalaki, kahit isang ministro, ay ganyan din ang gagawin ko kung desperado.”
Naupo ang kabataang holdaper. “Hindi pa kita nakita kailanman, at hindi pa ako nakakita kailanman ng gaya mo kung magsalita. Hindi ko kukunin ang pera mo, pero itinabi ko na ang aking baril. Ngayo’y uuwi na ako sa aking ina na gaya ng sabi mo,” umubo siya ng ilang ulit bago nagpatuloy. “Masama akong anak. Lahat ng perang ibinigay sa akin ng aking ina’y inubos ko sa karera ng kabayo; yong kakaunting natira’y inubos ko sa pag-iinom.”


“Lahat ng tao’y nagkakamali. Ano ba ang buhay kundi magkahalong eksperimento, pagkakamali’t mga kabiguan?” sabi ni Nai Phan.


“Hindi, malakas ang katawan ko, alam mo,” pagpapatuloy ngkabataang lalaki. “Narinig mo ba ang ubo ko? Natatakot ako na mayroon na akong T.B. iyon ang dapat sa akin, sa palagay ko, dahil meron akong mga ginawang masasama—dapat talagang mamatay na ako agad-agad. Hindi ako dapat mabuhay, pasanin lang ako sa mundo. Salamat, at paalam.”


“Hindi mo kailangang umalis agad. Dito ka muna sandali at mag-usap tayo. Gusto kitang makilala. Saan ka nakatira? Ano ang mga hilig mo? Ibig kong sabihin, ano ang mga pinaniniwalaan mo?”


Walang pag-asang umiling ang kabataang lalaki. “Hindi ko alam kung saan ako papunta ngayon. Saan ako maaaring pumunta? Ano ang mga pinaniniwalaan ko? Hindi ko alam. Mukhang walag anupaman sa mundong ito na karapat-dapat na paniwalaan. Naging isang miserableng nilikha na ako mula nang araw na ako’y ipinanganak; hindi nakapagtataka na hindi ko gusto ang aking mga kapwa-tao. Minsan, ang tingin ko’y pananagutan ng lahat ang mga kasamaan ko. Ayokong makisalamuha sa mga tao. Hindi ako nagtitiwala sa kahit kanino. Kinasusuklaman ko ang paraan ng pakikipag-usap ng tao sa isa’t isa, kung paano nila gugulin ang kanilang buhay, kung paano nila mahalin at purihin ang isa’t isa, kung paano sila tumawa at ngumiti.”
Tumango nang may pagkaunawa si Nai Phan. “Lahat ng tao’y ganon ang pakiramdam kung minsan.”
“Kaya mo ba akong paniwalaan?”. “Hindi ako interesado sa kahit ano. Sawang-sawa na ako sa lahat. Ang buong mundo ay parang hungkag. Walang kahulugan, walang anupaman na mapangangapitan o maigagalang ng tao. Kung talagang gusto kong magtrabaho, sa palagay ko ay maaari akong humanap ng gawain. Pero nasusuklam akong makita ang sangkatauhan, ayokong tumanggap ng kahit na anong pabor mula sa kanila. Mananatili ako nang isang linggo sa isang trabaho, dalawang linggo, sa isa pa—hindi ako nagtatagal kahit saan.”


“Nagbabasa ka ba ng libro?”


“Dati. Pero umayaw na ako. Ni hindi na ako nagbabasa ng dyaryo ngayon. Bakit pa? alam na alam ko kung anong laman nila. Wala kundi barilan, nakawan, patayan! Binabago nila ang mga lugar at mga pangalan, pero ganun at ganon din ang mga istorya.”


Hinimas ng kabataang lalaki ang kanyang baba at masusing naningkit ang mga mata kay Nai Phan. “Suwerte mo na hindi ka nagpakita ng anumang takot o galit nang pagbantaan kita ng baril, tiyak na papatayin kita. Ang daigdig na ito’y punung-puno ng mga lalaki na gustong magpakita ng galit, mga lalaking marurumi ang isip, na laging bumubulalas na nabubulok na raw ang sibilisasyon at moralidad. Hindi ako naniniwala na dahil lang daan-daan o libo-libo ang napasama, ganun na rin ang dapat gawin ng lahat ng tao. Alam ko na ngayon na hindi ako naparito dahil sa pera kundi para patunayan sa sarili ko na tama ang aking paniniwala. Naiisip ko palagi kahit pa nawawalan na ng pag-asa ang mundo at lumulubog na sa kalaliman, pinarumi at dinungisan ng kasalanan ng tao, may natitira pa rin kahit isang tao na hindi tao dahil lang ganun ang itsura niya, kundi isang tunay na taong nilalang. Alam niya kung paaanong magmahal ng iba, kung paano mapagwawagian ang paggalang ng ibang tao. Pero hindi ko ganap na pinanaligan iyon dahil wala pa akong nakitang ganun. Sa loob ng maraming taon ay iniisip ko: “Sana’y makakita ako ng isang tao na hindi pa naging buktot kasabay ng kabuktutan ng mundo, para mapaniwalaan ko na may natitira pang kabutihan, para magkaroon ako ng lakas para patuloy na mabuhay. Ngayo’y nakatagpo ako ng isang taong ganun. Ibinigay mo sa akin ang lahat ng hinahangad ko. Wala ka nang dapat ibigay. Uuwi na ako ngayon. Mangyari pa, sa isip ko, hindi ko na kamumuhian uli ang daigdig. Natuklasan ko sa wakas ang uri ng buhay na gusto kong tuntunin.”
Mukhang naging mas masigla na ang estranghero. Tumindig na siya para umalis at pagkaraan, naalala niya, inilabas niya ang baril. Iniabot niya iyon sa may-ari ng tindahan.


“Sana’y kunin mo ito. Hindi ko na ito kailangan. Iyan ang tatak ng mababangis. Sinumang lalaki na magdadala ng baril ay walang awa o paggalang sa iba, wala siyang iginagalang kundi ang baril. Ang mga bandido’y maaaring mabuhay sa kanilang baril, pero ang buhay nila’y laging gagambalain ng katotohanan na ang mga kaaway nila’y maaaring sumalakay sa kanila nang wala silang kahandaan. Wala silang panahon para panoorin ang paglubog ng araw o para umawit. Pag ang tao’y walang panahon para umawit, mabuti pang maging kuliglig na lang o ibong mynah.”


Ngumiti nang masaya ang holdaper, at kumakaway ng pamamaalam, idinugtong nito: “Babalik ako para makita ka uli, pero huwag mo nang ipakita uli sa akin ang aking baril. ‘Yan ang kaaway ng isang malinis na buhay. Paalam.”


Nawala sa dilim ang estranghero. Yumuko si Nai Phan, ang may-ari ng tindahan, para bisitahin ang pinakabago niyang pag-aari. Iniisip niya na bukas ay ipagbibili niya iyon. Kailangang-kailangan niya ng bagong pansala ng kape.





KAY ESTELLA ZEEHANDELAAR Salin ni Ruth Elynia S. Mabanglo Mula sa Mga Liham ng Isang Prinsesang Javanese

Japara, Mayo 25, 1899

Ibig na ibig kong makilala ng isang “babaeng moderno” iyong babaeng malaya, nakapagmamalaki’t makaakit ng aking loob! Iyong masaya, may tiwala sa sarili, masigla’t maagap na hinaharap ang buhay, puno ng tuwa at sigasig, pinagsisikapan hindi lamang ang sariling kapakanan at kundi maging ang kabutihan ng buong sangkatauhan.
Buong kasabikan kong sinasalubong ang pagdating ng bagong panahon; totoong sa puso’t isip ko’y hindi ako nabibilang sa daigdig ng mga Indian, kundi sa piling ng aking mga puting kapatid na babae na tumatanaw sa malayong kanluran.
Kung pahihintulutan lamang ng mga batas ng aking bayan, wala akong ibig gawin kundi ang ipagkaloob ang sarili sa mga nagtratrabaho;t nagsisikap na bagong kababaihan ng Europe; subalit nakatali ako sa mga lumang tradisyong hindi maaaring suwayin. Balang araw maaaring lumuwag ang tali at kami’y pawalan, ngunit lubhang malayo pa ang panahong iyon. Alam ko, maaaring dumating iyon, ngunit baka pagkatapos pa ng tatlo o apat na hebenerasyon. Alam mo ba kung paano mahalin ang bago at batang panahong ito ng buong puso’t kaluluwa kahit nakatali sa lahat ng batas, kaugalian at kumbensyon ng sariling bayan. Tuwirang sumasalungat sa kaunlarang hinahangad ko para sa aking mga kababayan ang lahat ng mga institusyon naming. Wala akong iniisip gabi’t araw kindi ang makagawa ng paraang malabanan ang mga lumang tradisyon naming. Alam kong para sa aking sarili’y magagawa king iwasan o putulin ang mga ito, kaya lamang ay may mga buklod na matibay pa sa alinmang lumanag tradisyon na pumipigil sa akin; at ito ang pagmamahal na inuukol ko sa mga pinagkakautangan ko ng buhay, mga taong nararapat kong pasalamatan sa lahat ng bagay. May karapatan ba akong was akin ang puso ng mga taong walang naibigay sa akin kundi pagmamahal at kabutihan, mga taong nag-alaga sa akin ng buong pagsuyo?
Ngunit hindi lamang tinig nito ang umaabot sa akin; ang malayo, marikit at bagong-silang na Europe ay nagtutulak sa aking maghangad ng pagbabago sa kasalukuyang kalagayan. Kahit noong musmos pa ako’y may pang-akit na sa aking pandinig ang salitang “emansipasyon”; may isang naiibang kabuluhan ito, isang kahulugang hindi maaabot ng aking pang-unawa. Gumigising ito para sa hangarin ang pagsasarili at kalayaan- isang paghahangad na makatayong mag-isa. Ang puso ko’y sinusugatan ng mga kondisyong nakapaligid sa akin at sa iba, buong lungkot na pinag-aalab ang mithiin kong magising ang aking bayan.
Patuloy na lumapit ang mga tinig na galing sa malayong lupain, umaabot sa akin, at sa kasiyahan ng ilang nagmamahal sa akin at sa kalungkutan ng iba, dala ntio ang binhing sumupling sa aking puso, nag-ugat, sukmibol hanggang sa lumakas at sumigla.
Ngayo’y kailangang sabihin ko ang ilang bagay ukol sa sarili upang magkakilala tayo.
Panganay ako sa tatlong babaing anak ng Regent ng Japara. Ako’y may anim na kapatid na lalki at babae. Ang lolo kong si Pangeran Ario Tjondronegoro ng Demak ay isang kilalang lider ng kilusang progresibo noong kapanahunan niya. Siya rin ang kaunaunahang regent ng gitnang Java na nagbukas ng pinto para sa mga panauhin mula sa ibayong dagat-ang sibilisasyong Kanluran. Lahat ng mga anak niya’y may edukasyong European, at halos lahat ng iyon (na ang ilan ay patay na ngayon) ay umiibig o umibig sa kanlurang minana sa kanilang ama; at nagdulot naman ito sa mga anak nila ng uri ng pagpapalaking nagisnan nila mismo. Karamihan sa mga pinsan ko’t nakatatandang kapatid na lalaki ay nag-aral sa Hoogere-Burger School, sng pinakamataas na institusyon ng karunungang matatagpuan ditto sa India. Ang bunso sa tatlong nakatatandang kapatid kong lalaki’y tatlong taon na ngayong nag-aaral sa Netherlands at naglilingkod din naman doon bilang sundalo ang dalawa pa. Samantala, kaming mga babae’y bahagya nang magkaroon ng pagkakataong makapag-aral dahil na rin sa kahigpitan n gaming lumang tradisyon at kumbensyon. Labag sa aming kaugaliang pag-aralin ang mga babae, lalo’t kailangang lumabas ng bahay araw-araw para pumasok sa eskwela. Ipinagbabawal n gaming kaugalian na lumabas man lamang ng bahay ang babae. Hindi kami pinapayagang pumunta saan man, liban lamang kung sa paaralan, at ang tanginglugar na pagtuturong maipagmamalaki ng syudad naming na bukas sa mga babae ay ang libreng grammar school ng mga European.
Nang tumuntong ako ng ikalabindalawang taonng gulang, ako ay itinali sa bahay-kinailangang “ikahon” ako. Ikinulong ako at pinagbawalang makipag-uganayan sa mundong nasa labas ng bahay, ang mundong hindi ko na makikita marahil liban kung kasama ko na ang mapapangasawang estranghero, isang di-kilalang lalaking pinili ng mga magulang ko, ang lalaking ipinagkasundo sa akin nang di ko namamalayan. Noong banding huli, nalaman kong tinangka ng mga kaibigan kong European na mabago ang pasyang ito ng mga magulang ko para sa akin, isang musmos pa na nagmamahal sa buhay, subalit wala silang nagawa. Hindi nahikayat ang mga magulang ko; nakulong ako nang tuluyan. Apat na mahahabang taon ang tinagal ko sa pagitan ng makapal na pader, at hindi ko nasilayan minsan man ang mundong nasa labas.
Hindi ko alam kung paano ko pinalipas ang mga oras. Ang tanging kaligayahang naiwan sa aki’y pagbabasa ng mga librong Dutch at ang pakikipagsulatan sa mga kaibigang Dutch na hindi naman ipinagbawal. Ito-ito lamang ang nagiisang liwanag na nagpakulay sa hungkag at kainip-inip na panahong iyon, na kung inalis pa sa akin ay lalo nang nagging kaawa-awa ang kalagayan ko. Lalo sigurong nawalan ng kabuluhan ang buhay ko’t kaluluwa. Subalit dumating ang kaibigan ko’t tagapagligtas-ang Diwa ng panahon; umalingawngaw sa lahat ng dako ang mga yabag niya. Nayanig sa paglapit niya ang palalo’t matatag na balangkas ng mga lumang tradisyon. Nabuksan ang mga pintong mahigpit na nakasara, kusa ang iba, ang iba nama’y pilit at bahagya lamang ngunit bumukas pa rin at pinapasok ang mga di-inanyayahang panauhin.
Sa wakes, nakita kong muli ang mundo sa labas nang ako’y maglabing-anim na taon. Salamat sa Diyos! Malalabasan ko ang aking kulungan nang Malaya at hindi nakatali sa isang kung sinong bridegroom. At mabilis pang sumunod ang mga pangyayari nagpabalik sa aming mga babae ng mga nawala naming kalayaan.
Nang sumunod na taon, sa oras ng pagtatalaga sa poder ng bata pang Prinsesa (bilang Reyna Wilhemina ng Netherland), “opisyal” na inihandog sa amin ng mga magulang naming an gaming kalayaan. Sa kauna-unahang pagkakataon sa aming buhay, pinyagan kaming umalis sa bayan naming at pumunta sa siyudad na pinadarausan ng pagdiriwang para sa okasyong iyon. Anong dakila tagumpay iyon! Ang maipakita ng mga kabataang babaeng tulang naming ang sarili sa labas, na imposibleng mangyari noon. Nasindak ang “mundo” nagging usap-usapan ang “krimeng” iyon na dito’y wala pang nakagagawa. Nagsaya an gaming mga kaibigang European, at para naman sa amin, walang reynang yayaman pa sa amin. Subalit hindi pa ako nasisiyahan. LAgi, ibig kong makarating sa malayo, mas malayo. Wala akong hangaring makapamista, o malibang. Hindi iyon ang dahilan ng paghahangad kong magkaroon ng kalayaan. Ibig kong malaya upang makatayo ng mag-isa, mag-aral, hindia para mapailalim sa sinuman, at higit sa lahat, hindi para pag-asawahin nang sapilitan.
Ngunit dapat tayong mag-asawa, dapat, dapat. Ang hindi pag-aasawa ang pinakamalaking kasalanang magagawa ng isang babaeng Muslim. Ito ang pinakamalaking maipagkakaloob ng isang katutubong babae sa kanyang pamilya.
At ang pag-aasawa para sa amin-mababaw pa ngang ekspresyon ang sabihing miserable. At paano nga ba hindi magkakaganoon, kung tila ginawa lamang para sa lalaki ang mga batas, kung pabor para sa lalaki at hindi para sa babae ang batas at kumbensyon; kung ang lahat ng kaluwaga’y para sa kanya lang?




ANG PAGHUHUKOM      
(Bahagi ng Nobela)
Isinalin ni Lualhati Bautista


Ang panahon ng tag-ulan, nang malamig at preskong panahon na tumutulong sa mga puno para magsibol ng mga bagong dahon at humuhugas sa mga karumihan, ay hindi pa natatapos.

Pagtuloy sa pagdating ang mga araw at gabi, kahit sa anong panahon…

Ang pagdaraan ng mga araw ay sumaksi sa pagpapahid ni Fak ngbalsamo sa kanyang mga sugat para mabawasan ang pamamaga sa kanyang mukha at ibsan ang sakit na nadarama ng kanyang loob. Habang dumaraan ang mga araw, ang mga sariwang sugat ay natuyo, nag-iwan ng mahabang pilat sa ibabaw ng kanyang kaliwang kilay. Ang mga araw at gabi’y patuloy na dumarating kay Fak…

Pero ang mga dumaraang mga araw at gabi ay hindi na makapagsasauli sa apat na ngiping nawawala sa bibig ni Fak, katulad ding hindi na niyon mapipigil ang kamay ni Fak sa pag-abot sa bote ng alak at pagdadala roon sa kanyang bibig. Kaya ang dumaraang mga araw at gabi ay sumaksi sa walang humpay na pag-inom ni Fak sa mga oras na siya’y gising.

Ang pambubugbog na tinanggap ni Fak ng gabing iyon ay hindi lang nag-iwan ng sakit sa kanyang katawan kundi nag-iwan din ng tatak sa kanyang isipan.

Sa loob ay nakadarama siya ng galit at pangangailangang makapaghiganti, at nag-iisip pa nga siya ng paraan kung paano niya bubuweltahan ang mga nanakit sa kanya. Natatandaan niya nang malinaw na dalawa sa tatlong taong sumalakay sa kanya ng gabing iyon ay sina Thid Tieng at Tid Song. Kailangang makahanap siya ng paraan para ipatikim sa dalawang taong iyon ang sakit at kirot na dinaranas niya. Gusto niyang puntahan ang mga ito sa bahay nila at suntukin sa mukha o magdala ng kutsilyo at saksakin sila hanggang sa magmakaawa ang mga ito na huwag niyang patayin. Paminsan-minsan, napapanaginipan niya na nakaupo daw siya sa dibdib ni Thid Tieng at walang humpay na pinagsusuntok ito at paggising niya, damdam niya’y nagawa niya talaga ang nagawa niya sa panaginip at umahon ang kasiyahan sa loob.

Gayunman, sa pagdaraan ng mga araw, naglubag ang kagustuhan niyang makapaghiganti at unti-unti ay mabagal silang napawi ng tuluyan. Marahil ay dahil hindi si Fak ang likas na ganoong tipo ng tao. Isa siyang tao na ang gusto’y kapayapaan, na takot makipag-away at walang sapat na kalupitan para pumatay. Naisip niyang ireport sa pulisya ang nangyari pero natatakot naman na balikan siya at salakaying muli ng pamilya ng dalawa, at hindi na matatapos agad ang gulo. Nang iwan na siyang lubos ng hangarin niyang makapaghiganti, naisip na lang niya: “Kalimutan mo na iyon!”

Minsa’y ang sarili pa nga ang sinisisi niya sa pagsasabing hindi niya dapat pinukol ng niyog ang bata.

Gayunman ay naiwan nang wasak ang kanyang isip, tulad sa isang piraso ng salamin na binasag at paulit-ulit na dinurog. Lahat ng nangyari’y lumikha ng ganap na pagbabago kay Fak, at kahit nagawa niyang hamigin ang sarili’y hindi na siya magiging tulad pa rin ng dati, at mahabang-mahabang panahon bago niya maibalik ang sarili sa normal.

Ang buhay niya’y kontrolado ngayon ng takot. Hindi na siya makapangahas na lumabas ng bahay niya sa gabi at hindi na kailanman nagtungo sa bahay ni Lung Khai, maliban na lang sa kalagitnaan ng araw o sa araw ng Sabado’t Linggo. Tuwing makakarinig siya ng kaluskos ng taong lumalakad sa kanyang likuran, itutulak siya ng takot na lumingon at tumingin. Minsa’y wala namang kahit ano doon. Kung naglalakad siya nang wala sa loob at narinig niya ang ihip ng hangin sa mga puno, lulundag ito sa takot ang puso niya at bibilis ang kanyang kaba. Wala siyang magagawa kundi mapako sa kinatatayuan at pawisan. Sobra ang kanyang nerbiyos na minsa’y di niya mapaghiwalay ang realidad ng nangyari sa kanyang mga takot at panaginip.

Natakot siya sa dilim, natakot sa malalakas na ingay at sa mga ingay na nagpapaalala sa kanya sa mga tunog na naririnig niya nang gabing iyon, at antimanong sumayad ang takipsilim ay mabilis niyang aabutin ang bote para uminom hanggang sa makatulog…

Ang balita ng pambubugbog kay Fak ay agad-agad na kumalat sa nayon at hindi nagtagal ay iyon na lang ang nasa labi ng mga tao, at sa ayos ay wala na iyong katapusan. Gayunman, walang bumabanggit ng tungkol sa mga taong may kagagawan ng pagkalagas ng mga ngipin ni Fak ay walang nag-abalang mag-imbestiga o magsampa ng reklamo laban sa mga taong sumalakay sa kanya. Nag-ipun-ipon ang mga tao sa nayon para pag-usapan ang nangyari ng gabing iyon.
Isang grupo ng mga tao ang nag-usap tungkol sa iba’t ibang dahilan na humangga sa pangyayari at lahat sila’y nagkaisa na inabot lang ni Fak ang dapat sa kanya. Bagama’t sila’y walang aktibong kinalaman sa usapin, naisip din nila iyon at ngayo’y pinag-uusapan nila iyon nang may kasiyahan…
“Sayang at hindi na siya namatay.”

“Mabuti nga sa kanya.”

“Mas kasalanan pang pumatay ng aso kaysa pumatay ng isang kagaya niya.”

“Ang pesteng gaya ng isang ‘yon! Bakit kailangang maawa sa kanya ang kahit sino?”

May iba pa, na siyang nakararami, na hindi interesado sa nangyari kay Fak. Nabubuhay sila nang walang pakialam at hindi sila nag-aabala sa problema ng iba. Kapag nababanggit ang nangyari, nakikinig sila nang walang interes at hindi nagsasabi ng anumang opinyon. Wala silang ipinakikitang awao simpatiya kay Fak kaugnay ng mga nangyayari at wala silang hangaring mapasangkot. Iisang bagay lang ang laman ng isip ng grupo ng mga taong ito…

“Wala akong pakialam.”

…May isa pang grupo ng tao na may makataong pakiramdam at nakakadama ng awa sa taong pinagsamantalahan o naging biktima ng pang-aapi. Pero sa nayong ito ay hindi ito marami niyon. Ilan sa kanila’y lihim na naaawa kay Fak sa pagkakabugbog dito, bagama’t hindi pa nila tinatanaggap ang katotohanan na hindi nito inaasawa ang sarili niyang madrasta. Para sa mga taong iyon, magkaibang bagay ang dalawang istorya. Gayunman, wala sa kanilang may lakas ng loob para tumulong kay Fak. Natatakot sila na sila mismo’y maging sentro ng mga tingin ng mga tao. Kaya kinimkim na lang nila ang kanilang awa sa kanilang sarili at tahimik na ipinasya na hindi dapat ginawa ng mga sumalakay kay Fak ang ginawa nila.

Sa grupo ng mga taong ito, si Saproe Khai lang ang nangangahas na magbaba ng sarili at tumulong kay Fak. May mga gabing pumupunta siya sa bahay nito para tumulong sa pag-aalaga dito at gamutin ang mga tinamo nitong sugat, tulad sa isang ama na nagmaamlasakit sa kanyang anak…

“Ay … sobra talaga ang ginawa nila ngayon sa ‘yo, ano?”

Ito ang mga unang sinabi niya ng makita niya si Fak kinabukasan ng gabing iyon. Hindi sumagot si Fak, ngumiti lang ng isang bunging ngiti. Marahil ay dahil masyadong masakit ang bibig niya kaya ayaw na niyang magsalita, at isa pa, wala siyang masasabi, kundi ngumiti…

Lahat ng naganap ng gabing iyon ay naging dahilan para lalo pang magkulong sa sarili niya si Fak hanggang sa maging mas tahimik pa siya sa dati, na tulad ng isang pipi…

May sapat na ideya si Mai Somsong sa nangyari kay Fak. Nagawa niyang hulaan sa pamamagitan ng mga pasa ng mga hiwa at sugat na madali namang makita. Kaya hindi niya iniwasang sumunod sa mga ipinag-uutos ni Fak na tulad ng pagsasaing o pagbili ng alak, at sinikap din niyang huwag gaanong lumapit at abalahin ito, maliban sa kalaliman ng gabi, kapag nakatulog na si Fak sa kalasingan, ikakabit na niya ang kanyang kulambo at maghihintay siyang nakabantay. Kapag hindi na ito bumubiling o kumikilos, gagapang na siya sa loob ng kulambo nito…

Patuloy nang ginampanan ni Fak ang mga katungkulan niya bilang dyanitor ng eskuwela hanggang sa katapusan ng buwan (Agosto), at nang matanggap niya ang huling suweldo niya, itinabi niya iyon nang buo at hindi bumawas ng kaunti man para iwan sa prinsipal dahil naisip niya na ganitong wala na siyang pagkukunan ng suweldo na makukuhanan niya ng maitatabi, ang mangyayari na lang ay magwiwidro siya sa prinsipal. Kailangan niyang tipirin ngayon ang pera niya at bawasan ang paggasta sa mga bagay na di kailangan, at ang mga bagay na hindi kailangan para kay Fak ay ang tatlong beses na pagkain araw-araw. Hindi niya kailangang alalahaning masyado ang tungkol sa pagkain dahil alam niya na makakakuha siya lagi sa templo ng sapat para ibusog sa sarili kahit isa, kundi man tatlong kainan isang araw. Mas nag-aalala siya kay Mai Somsong na hindi na makakain nang sapat araw-araw.

Kalagitnaan ng Setyembre…
Ang istorya tungkol kay Fak ay nag-umpisang mahawi sa labi ng bawat isa at hindi nagtagal ay hindi na iyon pinag-uusapan ng mga tao. Ang tanging bagay na lang na interesadong pag-usapan ng mga tao ngayon ay ang elektrisidad na ikinakabit na sa nayon. Kahit hindi sa ano pa man, maski paano’y nakatulong iyon para mamatay ang usapan tungkol kay Fak at sa kanyang madrasta…

Lahat ng tao sa nayon ay pursigidong makatulong sa mga trabahador sa paglalagay sa lugar sa mga kongkretong poste para mas mabilis na matapos ang trabaho. Nakahanda silang lahat na magsakripisyo ng lakas at salapi para sa kapakanan ng kumportableng kinabukasan at modernisasyon ng nayon.

May mga taong nangangarap nang makapag-ari ng telebisyon, refrigerator, o bentiladaor. Hindi na nila alalahanin ngayon ang pagsisindi ng gasera na hindi pa makapagbigay ng sapat na liwanag para ilawan ang kanilang paligid. Hindi magtatagal at sa halip ay magkakaroon sila ng mahahabang tubo ng fluorescent para magbigay-liwanag sa kanilang tahanan. Magagawa niyong ilawan ang buong bahay, at sa kalaliman ng gabi, kung kailangan nilang magpunta sa banyo, hindi nila kailangang mag-abala pa na magsindi ng gasera at magbitbit niyon papunta sa labas. Wala silang dapat gawin kundi pindutin ang bukasan at ang buong bahay ay magliliwanag at iglap na matataboy ang kadiliman sa banyo. At pagdating naman sa pagpaplantsa ng mga damit, hindi na nila kailangang magpabaga pa ng uling sa mabigat na plantsang bakal na gaya ng ginagawa nila ngayon. Hindi na sila mamumutol ng mga dahon ng saging para ilagay sa plantsa at hindi na nila kailangang tiisin ang nakayayamot na ingay ng nasusunog na dahon. Hindi na sila magbubuhat ng mabigat na plantsa at maliligo sa pawis bago matapos ang pamamalantsa nila. Sa pamamagitan ng bagong plantsa, wala silang tanging dapat gawin kundi isaksak ito at hintaying mag-init at, gayundin, magiging singgaan lang iyon ng pag-aangat sa isang balahibo. Nagkuwentuhan at nag-usap-usap ang mga tao tungkol sa pagsasaing at pagluluto ng isda, at wika nila’y hindi na sila maniningkayad ngayon sa harap ng apoy sa loob ng kalahating oras o higit pa, na mawawala ngayon ang kanilang pag-aalala na baka masunog o lumata ang sinaing, na hindi na sila mag-aaksaya ng oras at magagamit pa nila sa ibang gawain. Sa bagong de-koryenteng rice cooker, wala silang gagawin kundi isaksak iyon, I-set ang orasan at iwan na, at pag handa na ang kanin, bahala na iyong kusang mamatay. Hindi na sila ngayon mauupo sa harap ng mainit na kalan, nagbabantay at nagpapaypay ng apoy, naggagatong ng kahoy, etsetera. Pag mayroon na silang refrigerator, makakagawa na sila ng sarili nilang yelo at magkakaroon ng malamig na tubig na pamatid-uhaw kahit kailan nila gusto. Makakapag-imbak sila ng gulay at karne at magkakaroon ng sariwang pagkain sa lahat ng oras. Hindi na sila mag-iimbak ng pagkain sa palayok para mawala lang ang lasa ng baka o baboy na tulad ng kaso ngayon…

Ang mga bagay na ito ang mga pangarap at usapan ng buong nayon…

Hindi nagtagal at lahat ng iyon ay naging katotohanan at ang buong nayon ay nagliwanag…

Hindi natutuwa si Fak tungkol sa pagkakakabit ng koryente at wala siyang nadaramang inggit o panibugho sa iba. Lahat ng mga oras na gising siya’y nauubos sa bote ng alak at ngayong wala na siyang responsibilidad ng pagtatrabaho, ganap nang malaya ang lahat ng araw niya. Hindi … Hindi ginamit ni Fak ang mga libreng oras niya sa paghuhukay o pagtulong sa pagtitindig ng mga poste ng ilaw gaya ding hindi niya ginamit ang mga libreng oras niya para magpunta sa kabayanan at tumingin ng mga de-koryenteng gamit na tulad ng ginagawa ng iba.

At hindi siya nakadama ng bugso ng tuwa at nagtatakbo para mag-usyoso nang makita niya ang mga taong may dalang bentilador, rice cooker, o iba pang de-koryenteng gamit mula sa mini-bus ni Ai Kleeio na kararating lang mula sa kabayanan. Karamihan sa mga de-koryenteng gamit ay aalisin sa kahon at ididispley sa tindahan ni Pa Chua at maiipon ang pulutong ng mga tao para mag-usyoso, at alam ng lahat kung sino ang bumili ng ano. Paminsan-minsan, ang delivery van ng tindahan ng mga de-koryenteng gamit mula sa bayan ay maghahatid ng mga refrigerator at telebisyon, o kaya’y darating ang tauhang magkakabit ng antena ng t.v. Ito’y lagi ng tumatawag ng malaking interes at magkukulumpon ang mga tao para mag-usyoso. Sa bawat pagkakataon na idineliber ang isang gamit sa bahay ng isang tao, isang prusisyon ng mga tao ang susunod sa sasakyan at manonood sa ginagawa. Kung set ng telebisyon, mananatili roon ang mga tao hanggang sa lumitaw ang palabas sa screen. “Hindi kasinglinaw ang palabas sa telebisyon sa bahay ng prinsipal, pero mas maganda ang set kaysa sa bahay ng Kamnan,” kanya-kanya silang sabi ng opinyon depende sa sarili nilang palagay.
Hindi interesado si Fak alinman dito at hindi kailanman nakisali sa prusisyon ng mga tagasunod. Nasisiyahan na lang siya na hindi na siya gaanong pinapansin ng mga tao na gaya ng dati.

Ginagamit pa rin niya ang kanyang maliit na ilawang-langis para ilawan ang kanyang bahay at nanatiling kuntento sa kanyang lumang lutuan ng kanin at bumabagsak nang kalan, at ang hanging umiihip sa loob ng kubo niya ay sapat na para siya mapreskuhan. Natitighaw pa rin ang kanyang pagkauhaw ng tubig-ulan na inimbak niya sa bariles sa tabi ng kanayng dampa at maligaya na siyang manatili sa ganitong pamumuhay. Napakatamad niya para matuwa at hindi niya maintindihan kung ano ang nakakatuwa. Walang bagay sa buhay niya na karapat-dapat pagtindigan ng pag-asa at ang tanging bagay na naghahatid sa kanya ng tuwa ay ang pagpunta sa paradahan upang bumili ng alak…

Hindi na nag-aabala si Fak na alagaan ang kanyang sarili. Hinayaan na niyang dumumi ang kanyang katawan at hindi na tumitingin pa sa salamin para alamin ang kanyang hitsura. Nag-umpisa siyang mangamoy at nagpatuloy ang pagsama ng hitsura niya sa bawat araw na magdaan. Hindi niya namamalayan ang mga pagbabagong nagaganap sa kanya at hindi niya napapansin ang manilaw-nilaw na mantsang lumilitaw sa katawan niya o ang paninilaw ng puti ng kanyang mata.

Ang tanging alam niya ay ang pangyayari na pag hindi siya nakainom agad pagkagising niya, hindi siya magkakaroon ng lakas na harapin ang maghapon. Kahit tangkain niyang angatin ang tabo ng tubig para hilamusan ang kanyang mukha, talagang ni wala siyang lakas para gawin iyon. Manginginig ang kanyang kamay at makakadama siya ng pagkainis. Napakalaking abala niyon para sa kanya at hindi niya magawang iangat ang kahit ano maliban sa bote ng alak, at tuwing tutungga siya mula sa bote, nadarama niyang bumabalik ang kanyang lakas.

Alam niyang sumasakit ang kanyang gilagid tuwing ngunguya siya ng pagkain, at napansin niyang nag-uumpisang mamanas ang kanyang mga paa, pero ikakatuwiran niya na ito’y bunga ng labis paglakad niya at iyon naman ay gagaling din.
Kapuri-puri ang asal ni Mai Somsong. Ang buhay niya sa piling ni Fak ay simple lang at hindi palahingi. Nagpatuloy siyang mabuhay sa dating istilo niya at kuntento na ang kayamanang iniipon niya sa kubo ay nadagdagan na at ptuloy na nadaragdagan sa bawat araw.

Mga basag na pinggan, mga bunging tasa, may lamat na baso, bao ng niyog, bulaklak na papel, basyong lata, at iba pa. Itinatabing lahat iyon ni Fak sa kubo nang walang pag-aalala na itatapon iyon ni Fak gaya na dati. Hindi lamang nadagdagan ang kanyang kayamanan, kundi nadagdagan pa ang panahon niya para maupo at hangaan ang mga iyon. Araw at gabi ay mauupo siya roon at masusing eeksaminin ang mga ito mula sa paningin ng isang eksperto, sa paraan na sinusuri ng isang propesyunal na kolektor ang halaga ng isang bagay sa kanyang koleksiyon.

Kapag nangyayari na masyadong natatamad si Fak para intindihin ang pagkain niya, siya mismo ang pupunta at kukuha niyon sa mga batang templo. Minsa’y aalis siyang maraming dala, minsa’y kaunti lang, depende sa kung ano ang ibigay sa kanya ng mga katulong para siya mabuhay. Ang mga gabi niya’y hindi na balisa na tulad noong mga araw na hindi siya puwedeng mahiga sa tabi ni Fak at yakapin ito sa kalaliman ng gabi.

Kahit pa kailanma’y hindi ibinili ni Fak ng bagong damit si Nang, hindi iyon problema para sa babae. Maaari pa naman niyang isuot ang kanyang mga lumang damit, sa kabila ng pangyayaring marurumi at punit na ang mga iyon at naglalantad sa isang pirasong hita dito at doon. Walang pumapansin sa kanya. Naliligo pa rin siya araw-araw, nagsusuklay ng kanyang buhok at humuhuni ng kanyang awit pagsayad ng gabi…

Kahit naninirahan silang magkasama sa iisang bubong, ang kanilang buhay ay nasa magkalayong daigdig.

Para kay Mai Somsong, oras na nakakain na siya ng almusal ay lalabas na siya upang maghanap ng kayamanan, minsa’y umaalis siya ng bahay bago pa man magising si Fak. Hahanapin niya ang kanyang kayamanan sa lahat ng sulok na pagdalhan sa kanya ng kanyang mga paa. Minsa’y titindig siya roon at tititig sa mga poste ng komunikasyon na kasalukuyang itinatayo at mangunguha ng mga piraso ng kawad ng koryente at kapag nakalikom na siya ng sapat na dami ng piraso ay babalik na siya sa bahay. Walang pumapansin sa kanya habang pagala-gala siya sa maghapon. Kapag napagod na siya sa kalalakad, magpapahinga siya sa entablado ng maliit na opentheater. Kapag nagutom siya, lalabas na siya uli.
Sa gabi, hihintayin niyang makatulog si Fak sa kalasingan. Sa mga huling sandali bago ito maidlip, maririnig niya itong bumubulung-bulong, “Umalis ka dito … layas… kinasusuklaman kita… magpapa-ordina ako. Ibig kong magpa-ordina... Ikaw ang dahilan kaya… sige… umalis ka rito.” Ganoon lagi gabi-gabi. May mga gabing maririnig din ang musika ng chanting. Oras na makatulog na ang lalaki, ikakabit na ni Nang ang kulambo at gagapang sa loob upang matulog sa tabi ni Fak. Pagdating ng umaga, mabilis siyang lalabas bago ito magising…

Malamang ay hindi naiintindihan ang ibig sabihin ni Fak pag sinasabi nito, “Umalis ka… ikaw… umalis ka dito…” Patuloy na nanatili doon si Nang at walang ipinakikitang intensiyon na umalis. O marahil ay iniisip ni Nang na nagsasalita lang ng ganoon si Fak dahil lasing ito kaya hindi niya pinapansin ang pang-aabuso ng lalaki. O maaari din namang dahil wala siyang ideya kung saan siya pupunta. Ang buhay ni Nang ay nakatagpo na ng puwang sa nayong ito at sa ayos ay tila dito siya nakatalagang manatili. Sino ang makagsasabi…

Hindi pumatak ang ulan sa loob ng maraming araw, samakatuwid ay tapos na ang panahon ng tag-ulan. Ang pagkawala ng ulan ay proseso ng kalikasan na hindi mapipigil ninuman o maiiwasang mangyari. Dumaan ito nang matahimik at halos hindi napapansin.

Lahat ng bagong kuti sa templo ay kumpleto na ngayon at ang natitira na lang ay maliliit na trabahong magagawa ng mga trabahador. Mga isa-dalawang araw na lang para sila matapos nang husto. Ang komite ng mga sibilyan ay nagdaos ng pulong para itakda ang araw ng pag-aalay ng mga robang Kathin at disidido sila na maging araw din iyon ng paggunita sa pagkayari ng mga bagong kuti…

Anim na araw pagkaraang matapos ang Pansah, dumating ang grupo ng Kathin sakay ng tren mula sa Bangkok. Napuno ang paligid ng templo sa nangakaparadang sasakyan at pulu-pulutong na mga kabataan mula sa Bangkok ang malayang gumala sa lugar. Nakisali sa pulutong ang mga tao sa nayon at nagdagdag ng kisaw at kaabalahan, at nakisali sa merit making ceremony sa pagtatanghal ng Kathin. Madaling makilala ang mga taong lokal at mga bisita mula sa siyudad.

Nakisali ang lahat at tumulong nang husto sa isa’t isa. Pagkaraang makumpleto ang pang-relihiyong pormalidad at mabilang na ng komite ang mga alay na salapi, isang kinatawan mula sa bangko sa kabayanan ang dumating para kunin ang pera at ligtas na ideposito sa bangko. Bago gumabi ay nag-umpisa nang mag-uwian ang grupo mula sa Bangkok. Ilan sa kanila’y medyo lasing na at nag-umpisang tumugtog ng mahahabang tambol at cymbal na nauwi sa kantahan at sayawan na nagpasigla sa bawat isa. Natanggap na nila ang kanilang merito, nagliliwanag ang kanilang mga mukha at maaari na silang magsiuwi nang buong kasiyahan.

Nang gabing iyon ay isang pelikula ang ipinalabas sa templo. Ito’y bilang pagdiriwang sa pagkayari ng mga batong kuti at sa presentasyon ng Kathin at, gayundin, para bigyan ang mga taganayon ng pagkakataong makapagpahinga ng maghapong paggawa. Pero ang mga tao’y hindi na kasinsabik na gaya noong mga nakaraan. Sabi ng ilan sa kanila:

“Mas masarap pang mahiga sa bahay at manood ng telebisyon.”

Nag-enjoy nang husto si Fak nang araw na iyon. Gumala siya sa nasasakupan ng templo at malayang nakisalamuha sa lahat. Manaka-naka’y nagpupukol siya ng tingin sa mga kabataang lalaki na nakaupo sa bus at tumutugtog sa mahahabang tambol hanggang sa lumapit na nga siya sa mga ito para makipag-inuman. Nang maging kasinlasing na siya ng mga ito, inimbita siya ng mga itong sumayaw. Bagama’t hindi siya dating sumasayaw, sumayaw siya sa tiyempo ng mahabang tambol. Umawit siya at sumayaw nang buong maghapon, wala kahit kaunting pakialam na pinagtitinginan siya ng iba, o kahit katawa-tawa na ang itsura niya.
Ginugol ni Mai Somsong ang maghapon sa paggala nang walang direksiyon sa lahat ng lugar. Suot niya ang paborito niyang blusa na pulang bulaklakin, na ang kulay ay kupas na ngayon, at hindi pa sapat iyon, may mga punit na sa bandang likod. Walang ganap na makapagsaasbi kung gaano siya kaligaya, pero naglagay siya ng pulang bulaklak ng gumamela sa likod ng kaliwang tainga niya. Gumala siya’t nakisalamuha sa mga babae sa nayon at nang dumating ang oras ng paghahanda ng tanghalian, gumala siya sa kusina at nanood sa preparasyon ng pagkain. Napahiya ang mga babae sa nayon sa pagtanghod niya at tinangka ng mga ito na siya’y ipagtabuyan, pero sabi ng mga kabataang babaing taga-Bangkok ay dapat talaga silang humanap ng pagkaing maibibigay sa kanya. Awang-awa ang mga ito sa kanya kaya walang naglakas-loob na tumanggi. Naglunoy si Mai Somsong sa atensiyong inuukol sa kanya ng mga kabataang babae at punung-puno ng interes na pinanood niya nang kunin ng mga babae ang kanilang tubo ng lipistik at pintahan ang kanilang mga labi pagkatapos kumain. Nagkainteres siyang mabuti sa matingkad na pulang kulay ng lipistik, at itinuro niya iyon at sabi niya, “Bigyan mo ako ng isa.” Sa harap ng gimbal na mga mata ng mga babaing taga-nayon, na lubhang napahiya sa inasal ni Mai Somsong, isang kabataang babaing taga-Bangkok ang nag-abot kay Nang ng tubo ng lipistik.

“Ay, huwag mong ibigay sa kanya. Medyo luka-luka iyan.”

“Di bale. Marami naman ako.” Ang kabataang babae, na ang labi’y napipintahan ng pula, ay ngumiti sa kanila ng matamis.

Sinambot ni Mai Somsong ang tubo ng lipistik at nagmamadaling umuwi sa bahay bago iyon bawiin ng taong nagbigay sa kanya. Nang makauwi, namalagi na sa bahay si Nang at ayaw nang lumabas uli.

Nang gabing iyon, sinuman kina Fak o Mai Somsong ay hindi na nanood na palabas. Si Fak ay natatakot lumabas sa dilim at si Mai Somsong ay natatakot pa rin na kailanganin niyang isauli ang lipistik, kaya hindi nangahas na lumabas…

Ang mga bagong kuti, na nakahilera sa magkabilang gilid ng lupa ng templo, ay napakaganda. Itinayo sila sa tradisyunal na istilong Thai at dalawang palapag ang itaas. Sa gitna ay ang kogedor at ang itaas ay ang bulwagang dasalan. Paglatag ng dilim, ang templo ay naiilawan ng de-koryenteng liwanag.

Regular na naglilitawan ang mga antena ng telebisyon sa bubong ng mga bahay ng mga taong may kaunting pera. Para sa mga taong nangangarap pa lang ng telebisyon, kailangan nilang pumunta at makipanood sa bahay ng kanilang kapitbahay o kaibigan…

Ang modernisasyon na dumating sa nayon, hindi nagtagal ay naging ordinaryong bagay na lang dahil kinasanayan na iyon ng mga tao at ang tuwang naghari noong unang ikinabit ang koryente ay namatay na.

Gusto ng ilan sa kanila’y itaboy nang tuluyan si Fak sa nayon dahil wala namang pakinabang ang sinuman sa pagiging narito nito, liban sa nagagamit nila ito bilang masamang halimbawa kapag tinuturuan nila ang mga bata. Ang tanging bagay na pumipigil sa kanila’y si Luang Pho na tumatangging ipagtabuyan si Fak, dahil doon ito nanirahan sa lupa ng templo.

Kasabay ng pagkakaroon ng interes kay Fak, tumitingkad ang pagiging abnormal ng kundisyon ng lalaki. Lalo pang nanilaw ang kanyang balat na para bang pinulbusan niya ang sarili ng tumeric, at iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang tinubuan ng mga pasa at namumula-namemerdeng mga marka. Ang sakong niya ay lubhang namaga na para bang namemeligro na iyong pumutok, at bagama’t ang katawan niya’y patpatin at tuyo, malaki’t namamaga ang kanyang tiyan, ang nagbibigay sa kanya ng itsura ng isang buntis na babae. Nag-aalsahan ang mga ugat sa kanyang tiyan, at, hindi pa yata sapat iyon, lumaylay at lumaki ang kanyang mga suso na tulad sa isang nagdadalaga. Kinukutya siya ng ilang tao sa pamamagitan ng pagsasabing, “Lumalaki ang suso ni Ai Fak at siya ay buntis. Hindi magtatagal at manganganak na iyan.” Sabi pa ng iba’y nabuntis siya ni Mai Somsong. Sabi naman ng iba’y napalitan ang kanyang katawan ng katawan ng isang babae dahil inasawa niya ang asawa ng kanyang ama.
“Karma. Nakakarma siya sa harap mismo ng ating mga mata.”

Sa nagdaang panahon si Fak ay ginagamit bilang magandanghalimbawa ng isang mabuting kabataan sa nayon, pangangaralan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagsasabing, “Bakit hindi kayo tumulad kay Fak?”

At ngayon, si Fak ay minsan pang ginagamit na halimbawa upang ipakita na hindi na kailangang maghintay pa muna ng kamatayan para tanggapin ang resulta ng masasamang gawa o para mahulog sa impiyerno. Tumatanggap na siya ng kaparusahan ngayon, dito sa buhay na ito.

“Gawin n’yong halimbawa si Ai Fak.”

Hindi ganap na tamang sabihin na si Fak ay lubos na walang silbi sa nayon, dahil, manaka-naka kapag nagloloko ang mga bata o ayaw magpakatino, tatakutin sila ng kanilang mga ina sa pamamagitan ng pagsasabing,

“Pag hindi ka huminto sa kaiiyak, darating si Ai Fak para kunin at isama sa kanya.”

Pag narinig na nila ito, hihinto na agad sa pag-iyak ang mga bata at uupo roon nang walang kilos sa matinding takot.

Ilan sa mga batang lalaki na nakakakita ng kasiyahan sa panunudyo at kapilyuhan ang nagsasamantala nang husto sa hitsura ni Fak para magkatuwaan sila. Tutuksuhin nila at tutudyuin si Fak hanggang sa habulin sila nito at sikaping hulihin. Pero walang paraan para mahuli ng mataba at tamad na katawan ni Fak ang mga bata. Pag nanunudyo, ang isinigaw nila,

Ai Fak, lasenggo, pinaghuhubad niya ang asawa niya!”

Ai Fak, lasenggo, pinaghuhubad niya ang asawa niya!” magpapalakpakan ang iba pang mga bata sa paligid at didilaan si Fak at ngingiwian pag dumaan ito sa tapat nila. Oras na nagalit na si Fak at hinabol na sila, magtatakbuhan na ang mga ito at kakalimutan na ang kanilang mga kaibigan. Bahala na ang isa’t isa sa sarili nilang kaligtasan.

Tinangka ni Lung Khai na patigilin siya sa pag-inom, pero huli na. Hindi titigil si Fak at ni hindi niya iniisip ang posibilidad ng pagtigil. Pinayuhan siya niLung Khai na pumunta sa kabayanan at magpatingin sa doktor, pero ganito lang ang isinasagot ni Fak,

“Ayos lang ako. Wala akong sakit.”

At ayon sa pagkaunawa ni Fak sa salitang “Ayos,” ayos si Fak at magpapatuloy na ganoon, kahit papalapit na ang panahon ng taglamig.

Ang totoo, sa ganang mga taganayon, hindi talaga istorbo ang panahon ng taglamig, dahil ang panahon ay hindi singlamig ng ibig ipakahulugan niyon. Lumalamig lang nang kaunti ang panahon at nagiging mas maginhawa.







 TATSULOK NA DAIGDIG  
Ni Natsumi Soseki
Salin ni Aurora E. Batnag

Paakyat sa landas ng bundok, nakapag-isip-isip ako.

Kapag laging utak ang pinapangibabaw mo, magiging malupit ka. Sumagwan ka sa ilog ng emosyon at matatangay ka ng agos. Palayain mo naman ang iyong mga hangarin at di ka mapakali sa iyong pagkakakulong. Hindi kasiya-siyang mamuhay rito, sa daigdig na ito.

Habang lumulubha ang pagkayamot, ibig mong tumakas kung saan higit na magaan ang buhay. Pagdating lang sa puntong una mong napag-isip-isip na sadyang mahirap mabuhay kahit malayo na ang narating mo, saka isinisilang ang isang tula, o nalilikha ang isang larawan.

Ang mundong ito ay di likha ng diyos o ng demonyo kundi ng mga karaniwang tao sa ating paligid; yaong mga nakatira sa tapat o sa kapitbahay, na tinatangay ng pang-araw-araw na agos ng pamumuhay. Maaaring napakahirap mabuhay sa mundong ito na nilikha ng mga karaniwang tao pero may iba pa bang mapupuntahan? Kung mayroon man, tiyak iyon ay isang lupaing “di-pantao”, at anong malay natin, baka mas kasumpa-sumpa pa ang mundong iyon kaysa rito?

Hindi tayo makakatakas sa daigdig na ito. Samakatuwid, sa hirap ng buhay, wala kang magagawa kundi magpakaginhawa sa taghirap, bagamat maikling panahon lamang ang kaya mong tiisin, upang kahit papaano’y makaya mo ang iyong maikling buhay. Sa puntong ito nagsisimula ang bokasyon ng isang alagad ng sining at dito rin itinatalaga ng langit ang gawain ng isang pintor. Pasalamatan mo ang langit dahil sa mga tao na sa iba’t ibang paraan ng kanilang sining, ay naghahatid ng katiwasayan sa mundo at nagpapataba ng mga puso.

Alin sa mundo ang lahat ng alalahanin at problemang nagpapabigat sa buhay sa halip ay ilarawan ang isang daigdig na punung-puno ng biyaya at pagmamahal. Magkakaroon ka ng musika, ng isang larawan, o tula, o iskultura. Hindi lang ito, idaragdag ko pang hindi kailangang magkatotoo ang pananaw na ito. Sapat nang ilarawan sa isip at magkakabuhay ang tula, magkakahimig ang awit. Bago mo pa man isulat ang iyong iniisip, mararamdaman mong parang napupuno ang iyong dibdib ng kristal na taginting ng mga kampanilya; at kusang magliliwanag sa iyong mga mata ang lahat ng maningning na kulay, kahit di nagagalaw sa kabalyete ang iyong kanbas na di pa nahahaguran ng pintura. Sapat nang magkaroon ka ng ganitong pananaw sa buhay at ang marumi’t bulgar na mundong ito ay magiging malinis at maganda sa mga mata ng iyong kaluluwa. Maging ang makata na wala pang naisusulat kahit isang taludtod, o ang pintor na walang pintura at wala pang naipipinta kahit isang bahagi ng kanbas, ay makatatagpo ng kaligtasan, at makaaangat sa mga makamundong hangarin at damdamin. Kailanma’t ibig, mapapasok nila ang isang daigdig ng dalisay na kalinisan, at kapag naitapon ang pagkakasakim at pagkamakasarili, ay makapagbubuo ng walang katulad at di mapantayang daigdig. Sa lahat ng ito, higit pa silang maligaya kaysa sa mayayaman at tanyag; kaysa sa sino mang panginoon o prinsipeng nabuhay sa mundong ito; tunay na mas maligaya kaysa sa lahat ng nagtatamasa ng pagmamahal sa bulgar na mundong ito.

Pagkaraang mabuhay nang dalawampung taon, napag-isip-isip kong karapat-dapat mamuhay sa mundong ito. Sa edad na beinte-singko, naunawaan ko na tulad ng liwanag at dilim na magkabilang tabi ng iisang bagay, saan man may liwanag ng araw, tiyak na may anino. Ngayon, sa edad na treinta, ganito ang nasasaisip ko: sa kailaliman ng kaligayahan, naroroon ang kalungkutan; at kung lalo kang maligaya, lalo ring matindi ang sakit. Subukin mong ihiwalay sa lungkot ang tuwa at mawawalan ka ng kapit sa buhay. Itabi mo ang mga ito sa isang sulok at guguho ang mundo. Mahalaga ang pera, pero kapag naipon, di ba nagiging problema lamang ito na bumabagabag hanggang sa pagtulog? Ang pag-ibig na nakatutuwa pero kapag nagkapatung-patong ang mga kagalakang ito, hahanap-hanapin mo ang mga araw noong di mo pa kilala ang tuwa. Ang mga balikat ng estado, ang Gabinete, ang nagsusuporta ng mga pasanin para sa milyun-milyon, ang mga paa nito; at pabigat sa kanila ang mga sagutin ng gobyerno. Iwasan mong kumain ng napakasarap ng bagay, at pakiramdam mo’y may nakaligtaan ka. Kaunti lamang ang kainin mo at pagtindig mo sa mesa, mararamdaman mong gusto pang kumain. Kumain ka nang napakarami at pagkaraan ay sasama ang pakiramdam mo.
Sa bahaging ito ng paglalakbay ng aking isip, napatapak ang aking kanang paa sa isang matulis na bato at nadulas ako. Tuluyan na akong bumagsak matapos kong bawiin ang kaliwang paa na bigla kong naisipa sa pagtatangkang mabalanse ang katawan ko. Mabuti na lamang at napaupo ako sa isang malaking bato na may lapad na tatlong piye, kaya ang nangyari lamang ay nakalog ang kahon ng pintura na nakasukbit sa aking balikat. Suwerte na lamang at walang nasira.

Nang tumayo ako at tumingin sa paligid, napansin ko sa dakong kaliwa ng landas ang isang namumukod na tuktok na korteng baligtad na balde. Nababalutan ito mula ibaba hanggang itaas ng makapal na berdeng puno, na di ko makilala kung cryptomeria o sipres.

Sumasalit sa mga dahon ang ilang kumpol ng ligaw na cherry na kulay maputlang pula at dahil sa napakapal na ulap sa ibabaw, tila naglanguyan at naghalo ang mga kulay at imposibleng makita nang malinaw ang mga puwang sa pagitan ng mga puno at sanga. Nasa di kalayuan ang isang kalbong bundok. Namumukod ito sa paligid at parang abot-kamay lamang ang layo. Parang pinalakol ng isang higante ang walang kapunu-punong gilid nito at napakatarik ng batuhang mukha na diretsong pababa sa kapatagang nasa kailaliman. Sa tingin ko’y pulang pino ang nag-iisang punong iyong nasa tuktok. Kitang-kita maging ang mga piraso ng langit na masisilip sa pagitan ng mga sanga. May dalawampung yarda sa dako pa roon, biglang naputol ang landas, pero pagtingala ko, may nakita akong isang pigurang nakabalot ng pulang kumot na pababa sa gilid ng bundok, at naitanong ko sa aking sarili, makarating kaya ako roon kung aakyat ako. Terible ang daang ito.

Kung lupa lamang ito, hindi sana ganito katagal lakarin, pero may nakabaong malalaking bato sa daan. Mapapantay mo ang lupa, pero nakausli pa rin ang mga bato. Mapagpiraso-piraso mo ang maliliit na bato, pero hindi ang malalaki. Hindi mo maaalis ang mga batong iyon. Ang mga bato ay parang nangungutya at tiwalang-tiwala sa sarili na nakapuwestong di masusupil sa tambak ng di patag na lupa. Wala yatang daan dito na di mo muna paghihirapan. Kung gayon, dahil ayaw magparaan ng ating kalabang di mapagbigay, kailangang umakyat tayo o kaya’y ikutan ito.

Hindi pa rin madaling lakarin ang lugar na ito kahit hindi ito mabato. Mataas ang magkabilang tabi at may hukay sa gitna ng landas. Ang hukay na ito mailalarawan sa pamamagitan heometriya. Tatsulok ito na ang lapad ay may anim na piye, na ang mga gilid ay nagtatagpo sa isang matulis na anggulo, na nasa gitna ng landas. Para kang naglalakad sa ilalim ng ilog sa halip na sa isang landas. Dahil sa simula pa’y di ko na na inisip na magmadali, magdahan-dahan lang ako sa paglakad, at haharapin ang di mabilang na paliku-liko kapag nandoon na .

Sa ibaba ng aking kinatatayuan, biglang umawit ang isang pipit. Ngunit kahit gaano ko pa man titigan ang kapatagan, talagang ni anino ng ibon ay di ko malkita; ni hindi ko malaman kung saan ito naroroon. Malinaw kong naririnig ang tinig nito, pero hanggang doon lamang. Dahil malakas at walang tigil ang pag-awit ng ibon, pakiramdam ko’y masiglang nagpaparoo’t parito ang hangin para matakasan ang nakaiinis na kagat ng libu-libong pulgas. Talagang hindi tumigil ang ibong iyon kahit saglit. Para bang hindi ito masisiyahan hangga’t hindi nakaaawit ng husto araw at gabi sa buong nakasisiyang tagsibol; at hindi lamang umawit kundi ptuloy na lumipad magpakailanman. Walang dudang doon na mamamatay ang pipit sa itaas ng ulap. Maaaring sa pinakaitaas ng kanyang paglipad, mararating ng pipit ang lumulutang na ulap at doo’y lubusang maglalaho hanggang sa tanging boses na lamang ang maiiwan, na ikinukubli ng hangin.

Biglang lumiko ang landas sa isang nakausling kanto ng bato. Ang isang bulag ay maaaring magtuluy-tuloy hanggang sa bingit, pero naiwasan ko ang peligro at nakuha kong kumanan. Sa ibaba, natanaw ko ang mga rape-blossom na parang alpombrang nakalatag sa kapatagan. Mapapadpad kaya roon ang isang pipit? –

Hindi. Siguro, naisip ko, lilipad ito mula sa mga ginintuang bukirin. Pagkaraa’y inilarawan ko sa isip ang dalawang pipit, ang isa’y pasisid habang ang isa anama’y paitaas, nagkasalubong sa paglipad. Sa wakas ay naisip kong pasisid man o paitaas o magkasalubong man sa paglipad, malamang magpapatuloy pa rin ang masiglang pag-awit ng pipit.
Sa tagsibol, inaantok ang lahat. Nalilimutan ng pusa na manghuli ng daga, at nalilimutan ng tao ang kanilang mga utang. Kung minsan, pati kaluluwa’y nalilimutan nila at sila’y nagmimistulang tuliro. Ngunit nang tanawin ko ang dagat na iyon ng mga rape-blossom, waring natauhan ako. At nang marinig ko ang awit ng pipit, naglaho ang ulap at muli kong natagpuan ang aking kaluluwa. Hindi lamang lalamunan ang umaawit sa pipit, kundi ang kabuuan nito. Sa lahat ng nilalang na maaaring magsatinig sa mga gawain ng kaluluwa, walang sinlakas at buhay na buhay na gaya ng pipit. Tunay itong kaligayahan. Kung nasasaisip mo ito at maaabot mo ang ganitong antas ng kaligayahan, iyon ay tual.

Biglang pumasok sa isip ko ang tula ni Shelley tungkol sa pipit. Tinangka kong bigkasin ito, pero dadalawa o tatlong saknong lang ang naalala ko. Narito ang ilang taludtod:

Lumilingon at tumatanaw
Hinahangad ang wala sa kamay:
May halong pait
Ang pinakamatapat mang halakhak,
Pinakamatamis ang awit tungkol
Sa pinakamatinding sakit.


Gaano man kaligaya ang makata, hindi niya maibubuhos sa awit ang kanyang galak tulad ng malaya at walang pakialam na taos-pusong pag-awit ng pipit. Madalas gamitin sa Kanluraning panulaan, at makikita rin sa panulaang Tsino, ang pariralang “di mabilang na bushel ng kalungkutan.” Marahil, bushel ang ginagamit sa pagsukat sa lungkot ng makata, samantalang sa karaniwang tao ay ni hindi pa makapupuno ng pint man lamang. Marahil, ngayong napag-isip-isip ko, dahil mas mapag-alala ang makat kaysa sa karaniwang tao, mas matalas ang kanyang pakiramdam. Totoong may mga sandaling nakadarama siya ng di masukat na tuwa, pero mas madalas di naman siyang makadama ng di masukat na lungkot. Dahil dito, dapat munang isaalang-alang na mabuti bago ka magpasiyang maging makata.

Dito, pantay-pantay ang landas nang may ilang hakbang. Nasa kanan ang burol na natatakpan ng mga palumpong, at sa kaliwa naman, hanggang sa maaabot ng tanaw ay puro rape-blossom. Sa magkabila, nakatapak ako ng mga dandelion, na may mga dahong parang ngipin ng lagari na nakatayong nagmamalaki upang ipagtanggol ang ginintuang globo sa gitna. Nakapanghihinayang dahil sa katatanaw ko sa mga rape-blossom ay natapakan ko ang mga dandelion. Pero paglingon ko, nakita kong di nagalaw ang mga ginintuang globo sa pagitan ng mga nagsasanggalang na dahon. Kaylayang buhay! Binalikan kong muli ang aking iniisip.

Siguro, hindi mawawala sa makata ang kalungkutan, pero nang marinig kong umaawit ang pipit, ni katiting na sakit o lungkot ay wala akong naramdaman; at pagtingin ko sa mga rape-blossom, ang tanging alam ko’y lumulukso at sumasayaw ang aking puso. Gayon din ang nadama ko nang makita ang dandelion at ang namumukadkad na cherry, na ngayo’y nawala
na sa aking paningin. Doon sa kabundukan, malapit sa kagalakang hatid ng Kalikasan, lahat ng makikita mo at maririnig ay nakasisiya. Ito’y galak na di nababawasan ng alinmang hirap. Posibleng manakit ang mga binti mo, o maaaring sabihin mong wala kang makaing masarap, pero iyon lang, at wala nang iba.

Bakit kaya ganito? Siguro, dahil pagtingin mo sa tanawin, para bang nakatingin ka sa isang larawang binuksan para sa iyo, o kaya’y nagbabasa ka ng tula sa isang iskrol. Sarili mo ang buong paligid, pero dahil iyo’y gaya ng larawan o tula, hindi mo naiisipang paunlarin ito, o magkapera sa pamamagitan ng pagtatayo ng riles mula sa siyudad. Wala kang inaalalang ano man sapagkat tanggap mo ang katotohanang walang magagawa ang tanawing ito para busugin ka o kaya’y dagdagan ng kahit kusing ang iyong suweldo, kaya kuntento ka nang pagmasdan na lamang ito. Ito ang malaking pang-akit ng Kalikasan na sa isang kisap-mata, madidisiplina nito ang puso at isip, maisasantabi ang lahat ng hamak, at ihahatid ang mga ito sa dalisay at walang dungis na daigdig na tula.

Sa obhetibong pananaw, masasabing maganda ang pagmamahal sa isang lalaki sa kanyang asawa o sa kanyang mga magulang, at mainam maging tapat at makabayan. Ngunit kapag kasangkot ka na sa mga ito, bubulagin ka ng marahas na agos ng mga kontra at kampi, mga bentaha at disbentaha, at di mo na makikita ang ganda at kinang, at tuluyan nang maglalaho ang tula.
Para mapahalagahan ang tula, kailangang lumagay ka sa lugar ng miron na dahil puwedeng lumayo, ay makikita ang tunay na nangyayari. Sa puwestong ito lamang magiging nakasisiya ang isang nobela o dula dahil malaya ka sa mga personal na interes. Makata lamang habang nanonood o nagbabasa, at di ka pa aktuwal na kasangkot.

Pagkasabi nito, dapat kong amining karamihan ng mga dula at nobela ay puno ng pagdurusa, poot, pag-aaway, at pagluha, kaya kahit miron lamang ay di maaaring di masangkot sa emosyon. Matatagpuan na lamang niya, na sa isang punto ay karamay na siya, at nagdurusa rin, naiinis, nagiging palaaway, at umiiyak. Sa ganitong pagkakataon, ang tanging bentaha sa kanyang puwesto ay ang pangyayaring hindi siya apektado ng ano mang damdamin ng kasakiman o paghahangad ng personal na ganansiya. Ngunit ang kawalan niya ng interes ay nangangahuluganag ang ibang mga damdamin niya’y higit pang matindi sa karaniwan. Kaysakalap naman!

Sa loob ng mahigit na tatlumpung taon ng pamumuhay sa daigdig na ito, labis na ang nararanasan kong pagdurusa, galit, paglaban, at kalungkutan na di napapawi; at talagang napakahirap kung paulit-ulit na matatambakan ng pampagising sa mga emosyong ito kapag nagpupunta ako sa teatro, o kapag nagbabasa ako ng nobela. Ibig ko ng tulang naiiba sa karaniwan, at nag-aangat sa akin, kahit pansamantala, mula sa alikabok at dumi ng pang-araw-araw na buhay; hindi yaong nagpapatindi nang higit sa karaniwan sa aking damdamin. Walang dula, gaano man kadakila, na walang emosyon, at iilang nobela ang tiwalag sa konsepto ng tama at mali. Tatak na ng nakararaming mandudula at nobelista ang kawalang kakayahang humakbang palabas sa amundong ito. Ang mga kalikasang pantao ang sentro ng paksa ng mga Kanluraning makata sa partikular kaya di nila pinapansin ang daigdig ng dalisay na panulaan. Dahil dito, pagdating sa dulo ay mapapahinto sila dahil hindi nila alam kung may matatagpuan pa sa dako pa roon. Kuntento na silang talakayin ang karaniwang itinitindang simpatiya, pag-ibig, katarungan, at kalayaan, na pawang matatagpuan sa pansamantalang palengke na tinatawag nating buhay. Maging ang pinakamatulain sa mga ito ay abalang-abala sa pang-araw-araw na gawain, kaya ni hindi na nagkakapanahong kalimutan ang susunod na pagbabayaran. Hindi kataka-takang nakahinga ng maluwag si Shelley nang marinig niya ang awit ng pipit.

Mabuti na lamang at paminsan-minsan, ang mga makatang Silanganin ay nagkakaroon ng sapat na pagkaunawa upang makapasok sa daigdig ng dalisay na panulaan.

Sa ilalim ng halamang-bakod
Sa Silangan pumili ako ng krisantemo,
At naglakbay ang aking paningin sa mga
Burol sa Timog.


Dadalawang taludtod, ngunit kapag nabasa mo ang mga ito, lubos mong mamamalayan kung papaanong ganap na nagtagumpay ang makata na makalaya sa mapaniil na mundong ito. Hindi ito tungkol sa babaeng nakasilip sa kabilang bakod; o sa mahal na kaibigang nakatira sa kabilang burol. Ang makata ay nasa ibabaw ng lahat ng ito. Sapagkat natanggal na niya ang lahat ng alalahanin tungkol sa bentaha at disbentaha, tubo at pagkalugi, natamo na niya ang dalisay na takbo ng isip.

Nag-iisa, sa gitna ng kawayanan
Kinalabit ko ang kuwerdas;
At mula sa aking alpa
Pumailanlang ang nota.
Sa madilim at di dinadaanang landas
Tumatanglaw ang buwan sa pagitan ng mga dahon.

Sa pagitan ng iilang maikling linyang ito, isang buo at bagong mundo ang malikha. Ang pagpasok sa mundong to ay di tulad ng pagpasok sa mundo sa mga popular na nobelang gaya ng Hototogisu at Konjiki Yasha. Para itong pagtulog nang mahimbing at pagtakas sa nakapapagod na mga bapor, tren, karapatan, tungkulin, moral, at kagandahang-asal.

Ang uring ito ng tula, na hiwalay sa mundo at sa mga problema nito, ay sing-halaga ng pagtulog upang matagalan natin ang bilis ng pamumuhay sa ikadalawampung dantaon. Gayon man, sa kasamaang-palad, lahat ng makabagong makata, kabilang na ang kanilang mga mambabasa, ay labis na nabighani sa mga Kanluraning manunulat kaya hindi makuhang maglakbay sa lupain ng dalisay na tula. Hindi ko talagang propesyon ang pagtula, kaya hindi ko intensyong mangaral tungkol sa makabagong panulaan, upang mapagbagong-loob ang iba na sumunod sa uri ng pamumuhay nina Wang Wei at Tao Yuan-Ming. Sapat nang sabihing sa aking opinyon, ang inspirasyong matatamo sa kanilang mga akda ay higit pang mabisang panlaban sa mga problema ng makabagong pamumuhay kaysa sa panonood ng sine o pagdalo sa mga sayawan. Bukid dito, para sa akin, ay higit na kasiya-siya ang ganitong uri ng tula kaysa sa Faust o Hamlet. Ito ang tanging dahilan kung bakit pagdating ng tagsibol, mag-isa kong nilalakad ang landas sa bundok, sukbit sa balikat ang aking tripod at kahon ng pintura. Hinahanap-hanap kong makuha mula sa Kalikasan mismo ang kahit na bahgyang atmospera ng daigdig nina Yuan-ming at Wang Wei; at kahit pansamantala lamang, naglalakad-lakad ako sa lupaing lubusang hiwalay sa mga pandama at emosyon. Ito’y isang kakatwang ugali ko.
Mangyari pa, tao lamang ako. Kaya gaano man kahalaga sa akin ang ganitong napaksarap na pagkatiwalag sa mundo, may hangganan kung saan ako makapag-iisa sa isang panahon. Hindi ako naniniwalang maging si Tao Yuan-ming ay walang-tigil na pinagmasdan ang mga Katimugang burol sa loob ng ilang taon. Ni hindi ko mailarawan sa isip si Wang Wei na natutulog sa kanyang pinakamamahal na kawayanan nang walang kulambo. Malamang, ipinagbibili ni Tao sa isang magbubulaklak ang lahat ng krisantemong na niya kailangan, samantalang naunahan naman ni Wang ang gobyerno sa pagbebenta ng labong sa lokal na pamilihan. Iyan ang uri ng pagkatao ko. Gaano man ako naakit sa pipit at sa mga rape-blossom, mortal pa rin ako at dinagnanais magkamping sa gitna ng kabundukan.

May makikilala ka kahit sa isang lugar na tulad nito; isang matandang lalaki na nakapaloob sa likod ang kimono at may bandanang nakabuhol sa baba; isang kabataang babaeng nakapaldang pula; kung minsan, may makakasalubong ka pang kabayo na ang mukha ay higit na mahaba kaysa sa tao. May bahid pa rin ng amoy ng mga tao ang hangin kahit dito sa taas na ilang daang piye mula sa kapatagan ng dagat. Hindi yata tamang sabihing “may bahid”, dahil inaakyat ko ang bundok na ito sa pag-asang makapagpalipas ng gabi sa isang otel sa mga mainit na bukal na Nakoi.

Depende sa kinaroroonan mo, ang isang bagay ay maaaring magmukhang ibang-iba. Minsan, sinabi ni Leonardo da Vinci sa isang estudyante:”Pakinggan mo ang tunog ng kampanang iyon. Iisa lang ang kampana, pero maririnig mo ito sa napakaraming paraan.”

Dahil sa subhetibo ang paghuhusga natin, maaaring magkaibang-iba ang mga opinyon tungkol sa iisang tao, lalaki man o babae. Sa ano’t ano man, dahil ang layunin ko sa paglalakbay na ito ay pagtagumpayan ang emosyon, at masdan ang mga bagay-bagay nang walang damdamin., tiyak na iba na ang tingin ko sa mga tao ngayon kaysa noong namumuhay pa ako sa piling nila, sa isang masikip na klayenon sa magulo at isinumpang siyudad – ang daidig ng tao. Di man ako maging ganap na obhetibo, kahit papaano, ang damdamin ko’y di dapat maging mas matindi pa kaysa kung ako’y nanonood ng dulang Noh. Kung minsan, maging ang Noh ay nagiging sentimental. Papaano makatitiyak na hindi ka paluluhain ng Shickikiochi o Sumidagawa? Gayon man, tunay na emosyon ang treinta porsiyento ng Noh, at teknik naman ang natitirang sitenta porsiyento nito. Ang husay at pang-akit ng Noh ay hindi dahil mahusay nitong ipinamamalas ang emosyon at ugnayang pantao na parang tuany na buhay kundi dahil humahango ito ng mga pangyayaring pangkaraniwan saka ito dinadamitan ng patung-patong na sining, upang makalikha ng mabagal at halos nakaaantok na modelo ng kaasalan, na di makikita sa tunay na buhay.

Ano kaya ang mangyayari, kung habang isinasagawa ko ang maikling paglalakbay na ito, ay ituturing kong bahagi ng dulang Noh ang mga pangyayari, at ang mga taong nakikilala ko ay mga aktor. Dahil tula ang pangunahing layunin ng paglalakbay na ito, ibig kong samantalahin na ang pagkakataon ng pagiging malapit sa kapaligirang Noh sa pamamagitan ng pagtitimpi sa aking mga emosyon hangga’t maaari, bagama’t alam kong hindi ko lubusang maisasantabi ang mga iyon. Ang “Katimugang mgas Burol” at ang “Kawayanan”, ang pipit at ang mga rape-blossom ay may taglay na sariling karakter, na ibang-iba sangkatauhan. Gayon man, hangga’t maaari, ibig kong pagmasdan ang mga tao mula sa punto de bista ng dalisay na mundo ng tula. Kay Bassho, kahit ang kabayong umiihi sa tabi ng kanyang unan ay eleganteng paksa ng Hokku. Mula ngayon, ituturing ko na ring bahagi lamang ng pangkalahatang kanbas ng Kalikasan ang lahat ng makita kong magsasaka, negosyante, klerk sa nayon, matandang babae at lalaki. Alam kong naiiba sila sa mga pigura sa isang larawan, dahil bawat isa’y kikilos ayon sa gusto niya. Gayunpaman, sa palagay ko’y bulgar ang pagsusuri ng karaniwang nobelista sa kanilang mga tauhan, ang pagtatangka nilang silipin ang isipan ng mga ito at ang pakikialam sa pang-araw-araw nilang mga problema. Walang halaga sa akin kahit gumagalaw ang mga tao, dahil iisipin kong sila’y gumagalaw sa larawan lamang; at ang mga pigura sa larawan, gumalaw man nang gumalaw, ay nakakulong sa dadalawang dimensiyon. Siyempre, kung iisipin mong may tatlong dimensiyon sila, magkakaroon ng kumplikasyon dahil makikita mo na lamang na natutulak ka, at minsan pa, mapipilitan kang pag-isipan ang inyong pagbabanggaan ng mga interes. Maliwanag na imposible para kanino mang nasa sitwasyong ito na tingnan ang mga bagay sa punto de bista ng sining. Mula ngayon, magiging obhetibo ako sa pagmamasid sa lahat ng makikilala ko. Sa ganitong paraan, makaiiwas ako sa ano mang ugnayang emosyonal na maaaring mamagitan sa aming dalawa, kaya hindi ako maaapektuhan gaano man siya kalapit sa akin. Sa maikling salita, para lang akong nakatayo sa harap ng isang larawan, nagmamasid sa masiglang kilos ng mga tauhan dito. Sa layong tatlong piye mula sa kanbas, mahinahon mo itong mapagmamasdan, dahil walang panganib na masasangkot. Sa ibang salita, hindi maaagaw ng sariling interes ang iyong kakayahang mag-isip kaya maibubuhos mo ang atensiyon sa pagmamasid sa mga galaw ng mga tauhan mula sa artistikong pananaw. Nangangahulugang maibubuhos mo nang husto ang iyong pansin sa paghusga sa kung alin ang maganda at alin ang hindi.
Nang makabuo ako ng ganitong kongklusyon, napatingala ako at napansin kong nagbabanta ang langit. Pakiramdam ko’y nasa tuktok ko na ang bigat ng ulap. Ngunit halos di ko napansin, biglang kumalat ang ulap at ang buong kalangitan ay naging isang napakagandang dagat ng ulap, na naghuhulog ng masinsing patak ng ulang tagsibol. Nasa pagitan na ako ngayon ng dalawng bundok at malayo na ang mga rape-blossom. Hindi ko nga lamang masabi kung gaano na kalayo, dahil napakasinsin ng ulan. Paminsan-minsan, may sumasalit na hangin at nahahawi ang mataas na kurtinang ulap, saka lilitaw sa dakong kanan ang maitim na abuhing gilid ng bundok. Tila may mga kabundukang naklatag sa kabila ng kapatagan. Sa dakong kaliwa, tanaw ko ang paanan ng isa pang bundok, at kung minsan sa kabila ng parang kurtinang ambon, nabubuo ang tila aninong hugis ng mga punong pino, na lalabas sahlit at muling magtatgo. Hindi ko alam kung ulan o ang mga puno ang gumagalaw, o kung ang lahat ng nasasaksihan ko ay bahagi lamang ng panaginip. Ano man iyon, sa tingin ko’y ibang-iba sa karaniwan at napakaganda.

Sa dakong ito, di ko inaasahang naging napakaluwang ng daa; dahil pantay ito, ang paglalakad ay hindi napakasakit ng likod na gaya ng dati. Mabuti naman, dahil hindi ko napaghandaan ang ulan at kailngang magmadali ako. Nagsisimula pa lamang pumatak ang ulan mula sa aking sumbrero nang makarinig ako ng pagkuliling ng mga kampanilya sa layong sampu o labindalawang yarda. Mula sa kadiliman, sumulpot ang anino ng kutsero.

“May alam ba kayong matitigilan dito?”

“May tea house sa banda roon, mga isang milya ang layo. Basang basa na kayo, a!”

Isang milya pa! Lumingon ako at pinagmasdan ang kutsero na nagmimistulang anino sa isang umaandap na mahiwagang lampara, hanggang sa unti-unting sumanib ang anyo nito sa ulan at lubusang mawala sa paningin.

Ang mga patak ng ulan, na kanina’y parang pinung-pinong ipa na tinatangay ng hangin, ay papalaki na ngayon at papahaba, at nakikita ko nang buo ang bawat patak. Basang-basa na ang aking haori at ang ulang bumasa maging sa aking mga panloob na kasuotan, ay maligamgam na sa init ng aking katawan. Napakakawawa ng pakiramdam ko kaya itinakip ko sa isang mata ang aking sumbrero at binilisan ang paglakad.

Kung sa iba mangyayari ito, naisip ko na ang pagkabasa sa ulan na napaliligiran ng di mabilang na patak ng pilak habang naglalakad sa abuhing kalawakan, ay magandang paksa ng isang kahanga-hangang tula. Kapag lubos ko lamang nalimutan ang aking materyal na buhay, at tiningnan ang aking sarili sa isang obhetibong pananaw, saka ko pa lamang maiaakma ang sarili, tulad ng pigura sa larawan sa kagandahan ng kalikasan sa aking paligid. Sa sandaling mainis ako sa ulan, o mayamot dahil sa pagod na ako sa paglalakad, hindi na ako ang karakter sa isang tula, o ang pigura sa isang larawan, at muli akong mababalik sa dating walang pang-unawa at walang pakiramdam na lalaki sa kalye gaya ng dati. Kung ganoon ay bulag ako sa kagandahan ng nagdaraang ulap; walang pakiramdam sa pagkalagas ng bulaklak o iyak ng ibon, at lalo nang walng pagpapahalaga sa napakagandang larawan ng aking sarili na nag-iisang naglalakad sa kabundukan isang araw ng tagsibol.


No comments:

Post a Comment